Tulala at wala sa wisyo si Ampatuan habang nakaupo sa loob ng kanyang opisina. Natigilan lamang siya nang marinig ang ingay mula sa labas. Ilang saglit pa, bumukas ang pinto at pumasok ang kanyang sekretarya, humahangos at pawisan. Nangunot ang noo ni Ampatuan, nagtataka sa kakaibang kilos nito.
"Bakit ganyan ang itsura mo? Anong nangyari sa 'yo?" tanong ni Ampatuan, halatang nag-aalala.
"Master, may umpukan po ng mga tao sa labas. Hinihintay ka po nila. May mahalaga raw po silang pakay," balisang sagot ng sekretarya. "Pasensya na po, nahirapan akong makabalik dito dahil sobrang siksikan na po sa daanan," dagdag pa nito.
"Nasaan na ang mga dokumentong iniutos ko sa 'yo?" tanong ni Ampatuan, tila nililihis ang usapan.
Hindi man lamang pinansin ang balita ng kararating na sekretarya. Nanginginig na iniabot nito ang mga tambak na papeles. Bahagyang sinulyapan ni Ampatuan ang mga nakasulat sa mga pahina, ngunit bigla itong natigilan sa isang bahagi. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang listahan ng mga pangalan.
"Ano ito? Bakit may ganito rito?" tanong ni Ampatuan, bakas ang kaba sa kanyang tinig.
"Inabot po 'yan sa akin ng isa sa mga bisita ninyo habang papasok ako rito sa opisina. Hindi ko na po napagmasdan nang maigi dahil nagmamadali rin po ako," paliwanag ng sekretarya.
"Naalala mo ba ang mukha niya? Nalaman mo ba ang pangalan niya?" sunod-sunod na tanong ni Ampatuan, halatang hindi mapakali.
"Hindi ko na po matandaan ang itsura niya, ngunit tanda ko pa ang pangalang binanggit niya," sagot ng sekretarya.
"May kasama ba siya? Marami ba sila?" tanong ni Ampatuan, na ngayo’y unti-unting pinagpapawisan.
"Opo. Toto Mangudadatu po ang sinabi niyang pangalan," sagot ng sekretarya.
"No. Never. Never again," madiin na bulong ni Ampatuan, habang nakatitig sa mga nakalistang pangalan. "Atty. Connie Brizuela; Atty. Cynthia Oquendo-Ayon," sabay basa niya sa mga ito.
"May problema po ba, Master?" tanong ng sekretarya, hindi naitago ang pag-aalala nang mapansin ang bigat sa mukha ni Ampatuan.
"Lahat ng nasa listahan... pawang mga biktima," mahinang sagot ni Ampatuan, bahagyang nanginginig ang boses. "May medya ba sa labas?"
"Opo, tatlumpu't dalawa ang naroon," tugon ng sekretarya. "May dala silang mga papel, lapis, ballpen, cellphone, at camera."
Mabilis na naglakad si Ampatuan patungo sa nakasiwang na pintuan. Sumilip siya sa labas at kaagad na isinara ito, pabagsak.
"Nandito nga sila. Nandito nga lahat ng biktima," usal niya, puno ng kabang nararamdaman. "Pahanda ng sasakyan, may pupuntahan tayo," utos niya sa sekretarya, nagmamadali.
Nang madaanan nila ang hallway ng opisina ng gobyerno kung saan naroroon ang umpukan na tao kanina, tahimik na ang paligid, at wala nang kahit anong kaluskos na maririnig.
Makalipas ang ilang oras na biyahe, narating nila ang Sitio Masalay, Barangay Salman, sa Maguindanao. Magkasabay na bumaba ng sasakyan si Ampatuan at ang kanyang sekretarya.
Naglakad si Ampatuan patungo sa harap ng lumang backhoe at doon nakiusap.
"Hindi ako ang pumatay sa inyo. Hindi ako ang nagratrat sa inyo ng bala ng baril. Hindi ako ang gumahasa sa inyo. Mas lalong hindi ako ang naglibing sa inyo ng buhay gamit ang backhoe na ito. Tigilan niyo na ako. Manahimik na kayo!" malakas na sigaw ni Ampatuan sa lugar ng pinangyarihan.
"Master, hindi mananahimik ang kaluluwa ng mga biktima kung hindi pa rin natutupad ang hustisyang kanilang inaasam. Hindi ka nila titigilan dahil alam nilang may alam ka," singit ng sekretarya.
"Anong ibig mong sabihin, ha?" tanong ni Ampatuan, naguguluhan.
"Hindi mo ba talaga ako naaalala, Ampatuan? Genalyn Mangudadatu, asawa ni Esmael 'Toto' Mangudadatu. Limot mo na? Isa ako sa mga binaboy mo, tinadtad ng saksak ng kutsilyo, pinutukan ng baril nang paulit-ulit at inilibing sa ilalim ng lupa. Tanda mo pa?" galit na sigaw ni Genalyn.
"Paanong buhay ka pa?" tanong ni Ampatuan, gulat at puno ng sorpresa.
"Hindi ako buhay sapagkat katulad nila, multo na rin ako na naghahanap ng hustisya. Hinahabol kita dahil alam kong may alam ka sa karahasang nangyari sa amin," sagot ni Genalyn, nanginginig ang boses.
"Tama ka. May alam nga ako," sagot ni Ampatuan, bahagyang ngumisi. "Hindi ako ang gumawa niyan sa inyo, pero ako ang nag-utos na patayin kayo. Ako ang puno't dulo ng lahat ng ito.”
Mga salita ni Jay-R Nabor, Unibê Writer
Graphics | John Vincent Belisario
Comments