Literary

BULOK NA UGAT

Bulok ang ugat ng ilang tanim na palay ni Mang Juan kaya’t ganoon na lang ang himutok niya nang makita ito. Malaki ang magiging epekto nito sa kabuuang ani niya sa kanyang lupang sinasaka. Siguro’y dahil ito sa pagpili niya ng mababang uri ng pamunla. Ipinagkibit-balikat ko ito at nagpatuloy sa ginagawa.

Bumuhos ang bawat butil ng palay mula sa makinang pang-agrikultura. Tirik ang sikat ng araw habang mataman kong minamasdan ang ngayo’y kalbo nang sakahan dahil panahon na ng pag-aani. Maingay ang bawat pagpilantik ng tagagiik ngunit nilabanan ito ng ingay mula sa paparating na sasakyan. Ang tunog nito’y ang ugong ng nagbabadyang halalan.

Bumaba sa sasakyan ang grupo na iisang kulay ang suot at sa huli ay isang tanyag na politiko, malaki ang ngiti. Agad siyang nakikipagkamay sa mga taong namamataan sabay abot ng mga papel na laman ang sariling mukha. Panahon na naman ng pagtatanim nila.

Mga pangako ang binhi na kanilang ipinupunla at ang nais nilang anihin ay upuan sa gobyerno. Ang bawat salita na lalabas sa kanilang bibig ay mga bulaklak na matapos ang ilang buwan ay malalanta. At ang nais nila ay simpatya naming mga magsasaka.

Namatay ang makina, hudyat na tapos na ang ilang buwang pag-aalaga ng lupa. Sako-sakong palay ang ngayo’y nasa trak na. Ang politiko ay nakaabang na sa aming pagpanhik papunta sa kanilang direksyon. Nakipagkamay siya sa aking mga kasama habang ako’y nagmamatyag lang. Hindi dapat na umapak sa lupang ito ang taong siya ring balak na dungisan ito.

Mula siya sa pamilyang kilala bilang “tagapag-paunlad” ng mga lupa. Nagtatayo sila ng kabahayan kapalit ng mga lupang sakahan o di kaya ay mga kabundukan. Alam kong sa bawat pasada ng kanyang mga mata ay ang pagnanais na kamkamin ang aming lupa. Kung mahahalal ay isa itong hudyat na mas mapapadali nilang gamitin ang bulok na sistema upang paboran sila.

Nabuhay ang maliit na telebisyon sa sala. Ang laman nito ay sunod-sunod na patalastas pangangampanya. Sa puntong ito ay dapat mawalan na ako ng pag-asa sapagkat sa kabila ng ilang taong tahasang panggagamit nila sa kapangyarihan ay iniluluklok pa rin sila ng taong bayan. Ang makahanap ng politikong tunay na may malasakit sa obrerong mamamayan ay paghahangad ng gintong butil ng bigas mula sa mababang klase ng palay. Ngunit alam kong mayroon, sadyang nasisilaw lang ang ilan sa kinang ng mga salita.

Ang ilang taong pinaglaban ng Itay kapalit ng kanyang buhay ay nasasadlak pa rin sa putikan. At ang pagkakataong baguhin ito ay lagi’t laging nasa kamay ng taong-bayan. Ang pamilyang aking nabuo ay gusto kong mamulat sa isang pamahalaan na malapit sa mga nasa laylayan, hindi kumikitil ng kanilang mga karapatan.

Asul ang kulay ng isa sa mga kuko ko matapos ang pagboto. Alam kong tama ang lahat ng pinili ko at naniniwala akong dapat silang manalo. Ang tunay na makamasang politiko ay yaong iniintindi ang kailangan ng mga mababang tao. Sana ay ang puntong ito ang pumutol sa nagtatayugang ligaw na damo sa ating gobyerno.

Bumuhos ang bawat butil ng luha mula sa aking mata nang makita ang resulta. Mas maliwanag pa sa sikat ng araw ang katotohanan na nagwagi pa rin ang mga politikong sumasamsam ng aming mga lupa. Tahimik ang gabing babago ng aming kinabukasan ngunit maingay ang sigaw ng utak kong tuluyang ang pag-asa ay lumisan.

Bulok ang ugat ng ating pamahalaan—tayo mismong mga mamamayan ang naglalagay sa ating sarili sa putikan dahil tayo rin ang pumipili ng mga politikong ipinupunla sa ating bayan. Marahil ay tayo ang may kasalanan dahil hindi tayo natututo sa ating nakaraan at patuloy pa rin nating tinutubigan ang mga damong ligaw na dapat sa una pa lang ay hindi na nagsitubuan.

Mataman kong minasdan ang sakahan sa gitna ng kadiliman. Siguro ay hindi pa ito ang pagkakataong ang marami sa atin ay inaasam. Kaya’t sana sa susunod na halalan, magbunga ng mga mamamayang matalino sa pagpili ng pagkakatiwalaan—yaong may pagpapalahaga sa mga manggagawang pumupuno sa bawat kumakalam na sikmura.

Nawa’y hindi na muli bulok na ugat at mababang uri ng punla ang mapili ni Juan. ’Pagkat hindi na kakayanin ng isa pang pagkikibit-balikat kung ang aanihin na naman ng mga magsasaka’y pulang bigas, butil ng mga luha, at isang lantang pag-asa.


Isinulat ni Gerald Sopenia
Dibuho ni Justin Salvatierra

Comments