Literary

Pamilya At Kalayaan Sa Harap Ng Itinumbang Preso

Nagbunyi ang baryo nang magsihain ang mga ito ng iba’t ibang putaheng pansalo-salo. Nariyan ang nagmamantikang putchero kasama ang pambansang ulam na adobo, sabayan pa ng panulak na buko na talagang mapapasobra ang subo ng kahit na sino.

Tanghali na ng makita at maamoy ko ang mga pagkaing aking nabanggit sa kapitbahayan habang naglalaro kami sa initan. Pawisa’t babad na sa araw ang aming damit at kumakalam na rin ang sikmura ko. Ngunit kahit tapos ko nang ipanalo ang tumbang presong aming nilalaro ay patuloy pa rin ako sa pagbato sa aking pamato dahil alam kung malayo pa ako sa panalo.

“Iho-Iho!” maya-mayang sigaw ng Ina ng kalaro ko hudyat na uuwi na ito.

Habang ako naman ay nanatiling binantayan ang lata at nagbabakasakaling mas dumami pa ang maging laman nito. Lumipas na ang oras at naipagpalagay ko nang tama na muna sa paglaro.

Binaybay ko ang baryong balot sa amoy ng bandehadong puno ng paboritong ulam ko habang sinusubaybayan ang mga pamilyang sabay-sabay na nagsasalo-salo. Kaya naman nag-aatubuli ko nang tinatakbo ang iskinita dala ang kumakalansing na barya sa latang aking naipanalo sa tumbang preso habang iniinda ang kulong naglalaro na rin sa tiyan ko. Masaya kong binitbit ang lata dahil alam kong sapat na ito upang makaulam muli ng bago.

Malapit na ako sa pinto nang makasalubong ko ang Kuya na galing pang kabilang Sitio. Tiyak gutom na rin ito kakabuno ng semento. Iniabot ko ang latang puno ng barya.

“Dehado.” Bukambibig nito.

Hindi ko na masyadong ininda muli ang pagkatalong inakala ko’y panalo. Marahil siguro makaulit na rin akong nabigo sa paglalaro ng tumbang preso ─ ang mamalimos sa mga tao. Wala na rin akong dapat ikagalit pa kung palaging dehado na lamang ang turing ng Kuya sa baryang palaging nasasamsam ko. Sapagkat hindi na rin dapat akong maghangad pa sa sandamukal na barya dahil sino ba naman kami, isang hamak na aba. Kaya’t naiintindihan ko na rin kung bakit ganoon na lamang ang laging bukayo ng Kuya.

Aking muling pinadaan na lamang sa kabilang tainga ang nasabi niya at pumasok na. Dahil tiyak na may handaan rin sa aming hapag gaya ng iba.

Ngunit blangko ang lamesa

Naiwan sa lamesa ang nilalangaw na bahaw. Wala nang bago rito, ang nakapagtataka lamang ay kapag may fiesta ay nagagawa naman ng Kuya makapaghanda. Wala na akong karapatang magdabog pa, matagal na, kaya nilapitan ko na lamang ang Kuya para magtanong.

Setyembre ng maisapubliko ang proklamasyong blg. 326 noong 2012, tinawag bilang “Kainang Pamilya Mahalaga.” Taunan daw itong pinagdidiriwang tuwing ikaapat na Lunes ng Setyembre. Ginugunita upang mabigyan halaga ang pagsasama-sama ng bawat pamilya sa pamamagitan ng pagsasalo-salo, at pagpapaigting na rin sa isang malalim na kasanayang Filipino, paliwanag ng Kuya.

Sa isip-isip ko, paano naman kaming napag-iwanan na. Isang pamilyang namulat sa pundidong ilaw o sirang haligi man. Isang batang lumaki na sa sariling kaniyang mga paa at tanging mga kapatid na lamang ang naging tsinelas bilang pamato sa pagbaybay sa larong alanganin ang taya – ang tumbang preso. Dahil kagaya ng tumbang preso, mananatili akong bilanggo sa pauli-ulit na pagkatumba ngunit tatayo kung sakaling muling matama.

Babahain na sana sa luha ang aking mata nang maya-maya pa ay sumigaw at nariyan muli ang aking kalarong palagi kong kasa-kasama. Papalapit siya sa bahay, bitbit ang pinggang laman ay lumpiang sariwa.

Sa wakas, ang Lunes ay hindi asin.

Hinintay niya akong ubusin ang bigay niya habang ako naman ay masidhing pinagmamasdan siya ─ nagpapasalamat marahil siguro ay nagsisilbi na rin siya bilang isa kong pamilya.
Sa isang simpleng pagkakataon, napahintulutan ko ang aking sarili upang sariwain pa ang tunay na halaga ng pamilya na kalimitang hindi nahahanap sa biyolohikal na kasama.

Maari rin sa isang kanin, isang ulam, tubig, at isang kalayaan—isang hapag na magbubukas ng sidhi ng nararamdaman, isang pamilyang matatag at nagiging sandigan, o isang pamilyang nahanap sa iba—sa sarili, sa bagay, o maging sa kaibigan.


Isinulat ni Bhon Andrei Ogao
Grapikong Disenyo nina Jan Ivan Razonable, Von Ami Frondozo

Comments