Isinawsaw ko ito sa maliit na bote ng tinta, saka ipinahid sa isang malinis na papel habang dahan-dahang tinatalunton ang hugis ng unang titik na bubuo sa una kong salita. Bagama’t nakasanayan ko na, patuloy pa ring sinasakop ng mapakla nitong amoy ang aking utak—isang masalimuot na halimuyak ng nakaiinsultong paalala na kahit anong oras ay maaari itong maubos at mawala.
Sagrado ang bawat pagsulat. Bawal magkamali. Bawal sayangin ang bawat patak. Pantay dapat ang pagkakahanay ng mga parirala. Tumatalima lang dapat sa hangganang idinidikta ng nakasasakal na linya. Malaya ang aking isipan ngunit hindi nito nagagawang kumawala at sumapi sa anyong pangungusap o talata.
Sumasabay sa pagpitik ng orasan ang pagpatak ng papaubos nang tinta. Mariin kong itinaktak ang lalagyan nito, nagbabakasakaling makalimos pa ng kahit kakarampot na likidong bubuhay sa aking panulat. Hanggang sa huling paghinga’y pinilit pa rin nitong sumuka ng mapusyaw na kulay, isang pagdadalamhating maging siya’y gusto pang magpatuloy ngunit tuluyan na ring napiga ang lakas. Sa pagkaubos nito’y hindi ko na maisulat ang nais kong ipahayag na para bang tahimik ang aking panulat at blangko ang aking sinusulatan.
Ibinaba ko ang aking pluma at lumayo nang kaunti sa mesa. Pinagmasdan ko ang aking kulubot at naninigas na kamay, saka ito hinaplos na para bang namamaalam. Kinuha ko ang pluma at pinalakbay ang dulo nito sa litaw na mga guhit sa aking palad. Banayad lamang sa una ngunit mas dumidiin habang tumatagal—sapat na upang pumalandit ang pulang likido mula sa sinugatan kong balat.
Lumapit akong muli sa mesa at iginiya ang aking panulat upang ipagpatuloy ang naantala kong parirala. Sa oras na ito’y hindi na itim ang simbolo ng aking pagpapahayag. Mas tumingkad ito sa kulay na palaging idinidikit sa mga peryodista. Hindi ito takot lumampas sa linya. Buong tapang nitong sinasalungat ang istriktong pagkakahanay ng mga kataga.
Kapos ang tinta ng kalayaang ipinagkakaloob sa mga mamamahayag, ngunit hindi ito ang hangganan ng pagpapahayag. Lingid sa kaalaman ng mga pasista, hindi lamang itim ang tinta ng ating sandata. Maubos man ito’y nananatiling nakaabang ang isa pang kulay.
Hindi itim ang tinta ng pluma, kundi pula.
Hindi ito nauubos. Patuloy itong mananalaytay sa diwa ng mga mamamahayag—higit pa sa papel nitong itama ang maling sagot sa mga katanungan o iwasto ang maling baybay ng mga salita. Ang pulang tinta ay ang dugo ng mga peryodista—isang simbolo ng pagtuligsa sa mapaniil na sistema at pakikibaka para sa katotohanan at kalayaang magpahayag.
Mga salita ni Angelee Kaye Abelinde
Dibuho ni Von Ami Frondozo
Comments