ni Jhon Andrie Manimtim
Sa loob at bawat sulok ng institusyon, nararapat lamang na ang demokrasya ay maghari. Ito ay pagkakaroon ng kalayaang magpahayag ng kani-kanilang saloobin. Ito ay ating boses, kapangyarihan, at karapatan bilang isang iskolar at mag-aaral ng pamantasan.
Ang Unibersidad ng Bicol ay isang demokratikong institusyon, at ngayong nalalapit na ang araw ng eleksyon, iba’t iba at mga pamilyar na mukha na naman ang ating makikita. Pinagsilab muli ang diwa ng demokrasya at nagsilitawan na rin ang iba ibang politikal na kulay, kung saan lahat ay may-iisang hangarin: ang makaupo sa College Student Council (CSC) at University Student Council (USC) at magsilbing representasyon ng libo-libong Buenos.
Gayunpaman, sa paanong paraan tayo maaaring mapakinggan? Panghahawakan kaya ng ating ihahalal ang mga sailtang “para sa mag-aaral”? Ang ating aktibong pakikiisa sa diskurso at responsableng pakikibahagi sa halalan ay napakahalaga upang masiguro na ang mauupo sa pwesto at siyang kakatawan sa buong mag-aaral ay magigi nating katuwang.
Makibahagi sa demokratikong proseso
Hindi masasabing demokratiko ang isang komunidad kung wala ang aktibong pakikiisa ng masa sa paggamit ng kanilang boses upang ipahayag ng kanilang hinaing, pulso, at opinyon.
Bueños, bilang tayo ay bumabahagi at bumubuo sa patuloy na pagtindig ng unibersidad, ang ating paglahok sa demokratikong proseso ay tunay na magdudulot ng signipikong epekto. Ito ay sa pamamagitan ng pagkilala sa bawat tumatakbong kandidato, mabusising pakikinig sa paninindigan ng mga ito patungkol sa isyu sa loob o labas man ng unibersidad, at higit sa lahat, pagboto sa may matibay na paniniwala at totoong dedikadong magsilbi. Siguraduhing tama ang paglalaanan mo ng iyong tiwala.
Sa administrasyong Baldorado, maliwanag na hindi sapat ang naging pamamalakad ng kanilang konseho. Tila tayo ay nadala sa mga pangako ng progresibong pagbabago ngunit sa bandang huli ay walang kaakibat at inihaing aksyon. Kung kaya, sa natitirang ilang linggo bago ang araw ng CSC/USC Elections, tayo ay makialam, imulat ang mata, at pairalin ang masusing pagkritiko sa bawat kandidatong isinasaboy ang plataporma sa ating harapan.
Tukuyin ang tunay na basehan sa pagboto
Ang pagpili natin ng mga lider-estudyanteng maninidigan para sa kapwa-estudyante ay hindi lamang simpleng kontribusyon o tugon sa pagkademokratiko; bagkus, ito ay nangangahulugang ibinibigay natin ang ating tiwala na kanilang aakuin at gagampanan ang mga mabibigat na responsibilidad at maninindigan para sa kapakanan ng bawat mag-aaral sa loob ng pamantasan.
Mga pamilyar at hindi pamilyar na mukha ang ngayo’y nagnanais magdulot ng pagbabago at mag-iwan ng marka sa ating unibersidad. Dala-dala nila ang kulay ng kani-kanilang partido, simbolo o imahe ng kanilang pagka-solido, makuha lamang ang pulso ng sa kanila’y boboto.
Paano nga ba ang isang kolehiyo bumoto? Ang pagpili ba ay dapat batay sa kung gaano kakilala ang kandidato? Dapat ba ay kung ano na lamang ang matunog na partido? Magpapasilaw na lamang ba sa politikal na kulay ng isang grupo kahit hindi naman natin alam na buo ang kanilang liderato?
Bueño, burahin na natin ang nakasanayan. Huwag nating hayaan na makulong tayo sa iisang partido. Iisantabi natin ang ibat-ibang kulay at huwag magpapasilaw.
Kakayahan, mga karanasan at napatunayan, at integridad ang siyang ating gabay sa pagkilatis sa mga susunod na lider, kaakibat ang mga adbokasiyang sa tingin natin ay maisasakatuparan. Iyan ay ang mga dapat isaalang-alang at gawing basehan.
Maging mapanuri sapagkat bawat pasiya ay mahalaga
Bawat boto ay mahalaga. Ang bawat desisyon ay may bigat at epekto sa kabuuang kalagayan at pagbabago ng unibersidad, kaya't mahalaga na tayo ay maging mapanuri at mapanagot sa ating pagpili.
Huwag nating muling sayangin ang demokratikong kapangyarihan upang baguhin ang kinabukasan ng katawang-estudyante ng unibersidad. Matibay na paninindigan ang ating kailangan, matapang na boboses patungkol sa kung ano ang tunay na dinadaing ng mga estudyante. Hindi pa ba tayo nagsasawa sa samu’t saring public statement na wala namang kaakibat na aksyon ng kasalukuyang student council?
Makialam, makibahagi, at makiisa sa diskurso. Suriin at kilalaning mabuti ang mga naghahangad maupo sa pwesto. Himayin ang mga platapormang inihahain, at siguradong ang mga ito’y sa tingin niyo ay kayang gawin. Isantabi ang politikal na dibisyon, iluklok ang mga hinog na para sa posisyon.
Comments