Kapirasong papel o isang birtwal na dokumento ang ngayo’y humahadlang at nagiging malaking puwing sa pagkakaroon ng mga BUeños ng kalayaan upang magkaroon ng pagpipilian sa kanilang mga magiging lider-estudyante.
Ayon sa University Student Electoral Board (USEB), teknikalidad ‘di umano ang dahilan kung bakit diskwalipikado ang nag-iisang independienteng kandidato at anim mula sa sampung kandidato ng BU Leaders slate– mga kaso na ngayon ay naitaas na sa hurisdiksyon ng University Student Electoral Tribunal (USET).
Naging maugong ang isyu kung katanggap-tanggap nga ba na ang mga estudyanteng ito na mithiing maging mga lider ay hindi naisaalang-alang na ang USEB ay strikto sa kanilang paninindigan na maging pirmi sa pagsunod sa election guidelines na ibinigay ng kapulungan sa simula pa lamang.
Ngunit, isa rin namang pagsasawalang bahala sa sitwasyon at interes ng mga estudyante ang agarang pagbabasura ng mga apilang ito. Kahit pa nga sabihin na may regulasyon na kinakailangang basehan, nararapat pa rin na tingnan sa makatao at praktikal na lente ang sitwasyon.
Patuloy na ibinabandera ng pamantasan ang pagiging “University for Humanity”, ngunit tila ito ay makikinang na salita lamang kung ang mismong mga sistemang umiiral dito ay hindi nananaig ang konsiderasyon para sa mga estudyante.
Sabihin man na ang USEB ay sumusunod lamang sa kung ano ang nakasaad sa sinasabing guidelines, hindi dapat permanenteng nakaukit sa bato ang kanilang mga pinapairal na mga alituntunin. Bagkus, magsilbi dapat itong buhay na batas na nagbabago batay sa pangangailangan at realistikong sitwasyon ng mga BUeño, partikular na ang mga estudyanteng nagsumite ng kanilang mga dokumento upang maging mga opisyal na kandidato sa nalalapit na BU USC Elections.
Sa isang banda, dapat rin usisiin ang mga kandidatong ito na may intensyong magsilbi, ngunit tila nagkulang sa pagsiguro na kumpleto ang kanilang mga dokumento. Dahil kung iisipin, maaaring mga maliit lamang ang mga detalyeng ito, ngunit para sa isang tao na ninanais na maging lider, kahit pa ang mga katiting na bagay ay dapat tinutuunan pa rin ng importansya at pansin. Ang kanilang panimulang mga aksyon ay repleksyon rin sa kanilang pagkatao-- isang bagay na dapat isasaalang- alang ng mga botante.
Ngunit, kahit pa ganito, hindi pa rin makatwiran na hindi na sila tuluyang bibigyan ng pagkakataon upang tumakbo. Kung pagsunod lamang sa nasusulat na mga alituntunin ang katwiran ng USEB upang mapigilan ang mas demokratikong halalan sa unibersidad, nasaan ang kanilang pagtatangka na hulmahin ang lumang mga alituntunin upang mas umayon sa kasalukuyang pangangailangan at tawag ng mga estudyante?
Bagamat hindi naman inilihim ng mga sangkot na lider-estudyante ang kanilang pagkukulang, kailan naman kaya buong pusong ilalantad ng USEB na may mga impraktikalidad ang kasalukuyang umiiral na alituntunin?
Nararapat lamang na ibigay sa mga estudyante ang demokrasya ng pagpili, sapagkat sila ang hahatol sa kung sino sa tingin nila ang nagrerepresenta ng kanilang mga interes at mithiin para sa pangkalahatan ng unibersidad. Dagdag pa rito, ang pagtanggap sa iba't-ibang plataporma ay magbibigay daan sa mas malawak na diskusyon ng mga isyu na kailangang bigyang solusyon ng mga susunod na lider-estudyante.
Ang pagkakuntento sa iisang kulay lamang ay pagpatay sa diwa ng kritisismo at kolektibong pagkilos.
Sa huli, habang importante ang pagsunod sa mga patakaran para sa legalidad ng mga bagay-bagay, hindi naman dapat ito nagiging rasong pantakas ng mga nakatataas upang magkulang sa pag uusisa na maging ang mga batas ay umaako ng konsiderasyon.
Comments