Feature

Sa tinta at hinaing: Hangad ng tagagawa ng propesyon

Isinulat ni Chamy Ornillo

Dibuho ni John Paul Mark Basilla


Taga-hila kami ng hagdan pataas patungo sa hakbang ng kani-kanilang pag-asenso sa buhay. Ngunit, kami naman itong hinahayaan lang madulas pababa at inaapak-apakan upang manatili lamang sa aming mga kinalalagyan.



Sa bawat pagbabawas ng tinta at pagkutkot ng dulo ng ballpen ay nakikipagtalastasan ang isip ko sa kung hanggang kailan pa kaya tatagal ang pagtitiyaga sa hindi na karaniwang gawain. Masyado nang kabisado ng mga daliri ko ang sunod-sunod na mga linyang asul sa mga pahina ng lesson plan at habang tumatagal - mistula na itong listahan ng mga utang na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa sa amin nababayaran.


Maghapong nakatayo sa harapan ng pisara at tuyo na ang lalamunan sa kakasalita ay katapat ang mga daing na kahit man ay umabot ang boses sa pagkapaos ay hindi pa rin papakinggan. Walang pagbabago.


Sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. - noong ika-25 ng Hulyo taong 2022, sariwa pa sa aking memorya ang pangakong hindi ko mabitawan. Isa na doon ang litanya niyang pagtutuunan ng pansin ang pagsasaayos sa buhay ng bawat guro at pagbibigay ng inspirasyon para maisakatuparan ang mataas na kalidad ng edukasyon. Datapwat, tuluyan na itong hinawi ng hangin at naisawalang-bahala.


Simula noon hanggang ngayon, ang sistema ng edukasyon ay nakaangkla sa kalawanging sistema ng gobyerno sa pagtugon sa mga problema ng mga guro at maging sa apat na sulok ng paaralan.


Hindi na katakang-taka ang ordinaryong hinaing namin na taasan man lamang ang pasweldo ay tila mabigat na pasanin dahilan sa mababa pa din ang ibinibigay na kompensasyon ng gobyerno. Idagdag pa na bukod sa pagtuturo,ay sandamakmak ang trabaho at napakaraming ipinapatong na demands.


Patuloy na nagmamahal ang mga bilihin at napakahirap pagkasyahin ang budget upang maging sapat sa mga pangunahing pangangailangan.


Sa simpatya ng pagsusulong ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa adbokasiya ng protesta ng mga tulad naming nagtuturo, nararapat lamang na mabigyan kami ng disenteng pasahod bilang isang pamantayan.


Hindi makatao na maging ang mga gastusin sa loob ng paaralan ay kailangan galing pa sa mga sariling bulsa para maiprepara ito.



Binigyang-diin ng ACT Philippines na 80 porsyento ng pangunahing edukasyon ay primarya ang mga pampublikong paaralan na may halos isang milyong bilang ng mga guro ang inalis ang kanilang karapatan sa livable salaries. Matibay na katotohanan na matagal nang napag-iwanan ang mga guro sa mga katapat nitong propesyonal sa pampublikong sektor.


Hanggang saan aabot ang pag-asam na darating ang konkretong aksyon at plano ng kinauukulan?


Magtitiis na lang ba sa umiiral na bulok na sistema at piliting tanggapin ito na pawang mga hindi mulat sa hagupit ng reyalidad?


Nariyan ang sira-sirang classroom. Mga palikuran na hindi na magamit. Limitadong bilang ng mga kompyuter, projectors at maging mga printers na hinihiling din na mapaglaanan ng atensyon sa kasalukuyan ay tuluyan na lamang mga suliranin na paunti-unting tinatambak.


Samantala, ikubli man ang mga natatagong baho ay hindi maikakailang kaakibat ang pagtitiyaga dahil sa pagmamahal sa trabaho. Subalit, kung patuloy na lamang itong panghahawakan ay kay hirap na gampanan ang tungkulin dahil gasgas na itong pakinggan sa rasong hindi naman kayang makapagkayod ng prenteng pagmamahal lang.


Malamang na kung nagmamalasakit ang kinauukulan, bakit hindi ramdam ang benepisyo ng balanseng trato galing sa aming mga nagsisikap?


Ngayong ika-5 ng Oktubre taong 2023, tinagurian ang pagpupugay sa bawat guro na iginugugol ang kanilang pagod, sakripisyo at pagmamalasakit. Naging tulay sila ng maraming pangarap at naghulma ng mga talentadong tao na namamayagpag sa sibilisasyon ng mundo — mga tanda ng kaunlaran na naitaguyod ang tagumpay na inaasam.


Pero nakakapanlumong isipin na ang pagdiriwang na kadalasang puno ng positibong emosyon ay may patlang. Dahil kasabay ng pagtirik ng kandila ay umaasa pa rin sila sa kinabukasan ng propesyong pinigilang makaabante bunga ng mga harang.






Chamy Ornillo

Chamy Ornillo is a senior Broadcasting student at BU College of Arts and Letters. She joined the publication in 2020.

John Paul Mark Basilla

John Paul Mark Basilla is a junior Architecture student at BU Institute of Design and Architecture. He joined the publication in 2021 as an artist.





Comments