Feature

Lupang Hinarang: Hagulhol sa Hinanging Himig

Ni James Edward Tambobong
Dibuho ni Von Frondozo

Hindi lamang tuwing Setyembre naririnig ni Inang Bayan ang mga pekeng metaporika sa kanyang tinatanging awit— sapagkat sa araw-araw na pagtugtog nitong musika, punong-puno ito ng pagkukunwari.

Bagama’t tuluyan na tayong nakalaya sa rehas ng pang-aabuso ng mga dayuhan noong Hunyo 1898, hindi maikakaila ng kasaysayan na kadugo lamang natin ang pagpaslang sa ating nabawi na sanang kalayaan.

Bayang giniliw, nakaw na perlas ng silanganan
Alab ng puso sa dibdib mo'y pinatay,
Lupang Hinarang, hindi ka na magiting,
Sa manlulupig, ika’y muling nagpasiil.

Itong mga kataga ang paulit-ulit na umaalingawngaw sa tenga ng ating Inang Pilipinas kahit na limang dekada na ang nakalipas simula noong idineklara ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. ang Martial Law sa buong bansa noong ika-21 ng Setyembre taong 1972.

Libo-libong nakapaninidig-balahibong kwentong ibinabaon sa limot ang naging hudyat ng mga biktima upang ibalikwas sa dating pahina ng kasaysayan ang mga istoryang nagdala ng sindak sa kanilang nakaraan. Kamakailan lamang, mahigit 8,000 na tao ang nagtipon-tipon sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, dala ang mga karatula kung saan nakaukit ang mga mukha ng mga biktima, mga pinta na sumisimbolo sa gawi ng dating pamamahala, at mga placard na sinulatan ng pulang tintang representasyon ng madugong trahedya.

Sa dagat at bundok,
Sa simoy at sa langit mong saklaw,
May buwag ang tula,
At awit sa paglayang inaasam.

Ayon sa datos ng Amnesty International noong taong 2022, mahigit 70,000 ang bilang ng mga kinulong, 34,000 ang mga inabuso, at mahigit 3,200 ang pinaslang sa rehimeng nasadlak sa kamatayan. Itong mga numero ay ilan lamang sa mga patunay na nakalibing ang hustisya at demokrasya para sa mga maralita.

Sa panahon ring iyon, ikinulong at nilapastangan ang midya at mga peryodista sa pamamagitan ng pagpapasara ng mga network sa telebisyon at hinayaang ipalaganap ang maling mga impormasyon upang pabanguhin ang angkang Marcos. Gayunpaman, sa kasalukuyan, taas-noo pa ring hindi humihingi ng tawad ang pamilyang Marcos sa mga nangyari at pilit dinepensahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang proklamasyong ito.

Sa puntong ito, tunay ngang sa manlulupig, si Inang Bayan ay muling nagpasiil.

Ang kislap ng watawat mo'y
Hindi na nagniningning,
Ang bituin at araw niya,
Tuluyan nang magdidilim.

Tinaguriang ‘golden era’ ang kasalukuyang panunungkulan ni Marcos Jr. dahil sa pangakong karangyaan at masiglang ekonomiya na mararanasan ng masang Pilipino dahil sa mababang presyo ng mga bilihin. Ito “raw” ang mukha ng bagong Pilipinas. Naging laganap din ang kahirapan at pagkagutom ng mga nasa laylayan, humina ang dating progresibong ekonomiya, at nagkaroon ng krisis dahil sa mga utang at pananalapi sa ilalim ng kasalukuyang Marcos.

Halimbawa na lamang ay ang pagtutok sa industriyalisasyon, pagpapatayo nang malalaking proyekto katulad ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) na hindi man lang mapakinabangan nang lubos, at ang ‘crony capitalism’ ng kanyang pamilya. Dahil dito, umabot na sa ‘debt moratorium’ ang bansa kung saan hindi na posibleng mabayaran ang malalang utang nito kung kaya’t binansagang ‘dark episode in Philippine history’ ang kanyang administrasyon.

Kung hindi ganito ang batayan ng “golden era,” ang bituin at araw ni Inang Bayan ay hindi sana tuluyang magdidilim.

Lupa ng araw, ng pighati’t alipusta,
Buhay ay bingit sa piling mo,
Aming trahedya na pag may mang-aapi
Ang mamatay nang dahil sa martial law.

Ang pamumuhay sa panahong ito ay walang kasiguraduhan. Ito ang madalas na naranasan ng ilang mga kabataang nasa mundo ng pamamahayag at nag-aklas para sa kanilang karapatan.

Isa na rito si Liliosa Hilao, isang estudyanteng aktibista na mula sa Bulan, Sorsogon na nag-aaral sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Siya ay inabuso at ginahasa ng mga militar at kalaunan ay namatay sa loob ng selda bilang pinakaunang bilanggo

Isa pang kuwento ay ang kalunos-lunos na sinapit ng mag-amang sina Primitivo at Boyet Mijares. Si Primitivo ay isang mamamahayag na nagtrabaho kay dating pangulong Marcos at naging isang testigo o whistleblower sa US Congress upang ibulgar sa isinulat niyang libro na “The Conjugal Dictatorship of Ferdinand and Imelda Marcos” ang maduming pamamalakad ng dating administrasyon. Makalipas ang ilang taon, natagpuang wala ng buhay ang kanyang 16 taong gulang na anak na si Boyet matapos itong dukutin, gulpihin, at masaksihang tadtad ng saksak at basag ang bungo sa kabundukan ng Antipolo.

Ito ay iilan lamang sa karumal-dumal na karahasan sa panahon ng batas militar na pinag-ugatan ng kasakiman ng pamilyang Marcos. Hindi lamang sila namatay dahil sa martial law, kundi sila ay namatay dahil sa pakikipaglaban para sa karapatan at katotohanan.

Ngayong nakabalik na ulit ang mga diktador sa kanilang pugad-palasyo, maririnig pa rin kaya ni Inang Bayan ang orihinal na rendisyon ng Lupang Hinirang? O mananatili ang sigaw at hagulhol ng bayang boses ay binusalan? Tuluyan na kayang mabubura sa mga libro at kasaysayan ang pagharang sa lupang naghahangad lamang ng orihinal na himig ng kalayaan?

Kaya naman, bilang anak ni Inang bayan, ang pagbabago sa nakaraan ay isang paglapastangan sa kaniyang karanasan. Magbasa, magmulat, makibaka—dahil ang tunay na kalayaan ay dapat na umugong at maramdaman sa kanyang lupang hinirang.

Pagtatangging legal: Ang pagbabago ng ilang bahagi ng pambansang awit ay nakaangkla lamang sa mensaheng nais iparating ng lathalain at hindi akto ng kawalang-respeto.


JAMES EDWARD TAMBOBONG
James Edward Tambobong is a Bachelor of Science in Psychology student at the BU College of Social Sciences and Philosophy. He joined the Universitarian in 2022 as a staff writer.

VON AMI FRONDOZO
Von Ami Frondozo is a Bachelor of Science in Architecture student at the BU Institute of Design and Architecture. He joined the Universitarian in 2023 as an artist.

Comments