Ang hindi pagkakaroon ng ideya sa isang sitwasyon ay isang nakakadismayang senaryo, ngunit mas nakapanlulumo na pagkatapos malaman ang kaganapan ay tila naging silensyo na lamang ang University Student Council (USC) ukol sa sumibol na isyu sa presensya ng pulis at militar sa Bicol University (BU) nitong nagdaang celebrasyon ng KaPEACEtahan Peace Fair.
Hindi kailanman magiging sagisag ng kapayapaan ang baril, tangke, o presensya ng mga indibidwal na may tsapa at uniporme, taliwas sa nasaksihan ng mga estudyante ng BU noong selebrasyon ng Peace Consciousness Month.
Hindi katanggap-tanggap na kapayapaan ang adbokasiya ng mga pwersang ipinagyabang ang kanilang armas sa institusyong pinintahan nilang pula sa sunod-sunod na panggigipit at pananakot sa mga estudyante nito. Higit pa roon, mas nakakadismaya na walang pagtutol na ginawa ang USC o ang mismong administrasyon ng pamantasan ukol sa presensya ng Philippine National Police (PNP) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa loob ng unibersidad.
Sa kumakailang panayam ng publikasyon sa USC Chairperson at Student Regent na si Remee Estefany Baldorado, kaniyang itinanggi na may kinalaman ang konseho sa kaganapan at sinabing ito raw ay desisyon ng administrasyon. Ngunit, ang hindi nila pagkibo matapos malaman ang sitwasyon ay isa ring indikasyon ng pagsasawalang-bahala.
Tila nakapiring na pagtugon ang ginawa ng BU - USC sa kasunduan ng administrasyon ng unibersidad at OPAPRU. Sa kadahilanang walang hawak na sapat na kaalaman ang kanilang opisina sa kung ano-ano ang mga kalakip na aktibidad sa nasabing okasyon, batid ang kapabayaan ng konsehong dapat sana ay may repleksyon sa mga kaso ng intimidasyon ng militar sa ilan sa mga progresibong BUeño noon.
Isa itong lagas sa mga pangako ng bughaw na pamamalakad. Matatandaang sinabi ni Baldorado na tutugunan ng kasalukuyang konseho ang kakulangan ng lideratong Azul lalong-lalo na ang kawalan ng konkretong solusyon sa mga kaso ng red-tagging at intimidasyon sa mga student-activists ng institusyon sa nakalipas na termino ngunit aminado ang BU-USC na sumunod lamang sila sa utos ng nakatataas na administrasyon. Dahil sa kakulangan ng kamalayan sa maaaring implikasyon ng kanilang mga naging aksyon, ang pangako ni Baldorado ay mukhang patungo sa balikong manipestasyon.
Sa katunayan, “basic requirement” na ang magsagawa ng pananaliksik patungkol sa kaganapan. Sa kasaysayan ng mga progresibong indibidwal at mga armadong pwersa, tila naging bukas na pintuan pa ang pagsasawalang-bahala ng USC upang lantaran na imbestigahan at obserbahan ang mga estudyante ng unibersidad. Nararapat lamang na mabigyang-diin na hindi lamang nakaangkla sa pag-oorganisa ng mga events at concerts ang responsibilidad ng USC bilang pinakamataas na pang-estudyanteng konseho– higit na matimbang dapat ang kaligtasan at kapanatagan ng mga BUeño.
Samantala, ang presidente ng unibersidad na si Dr. Baby Boy Benjamin D. Nebres III ay binigyang linaw na ang partnership daw ay para mas mapausad ang mga layunin ng institusyon at wala siyang nakikitang kontrobersiya tungkol dito. Sinabi ni Nebres na ang layunin ay kapayapaan, hindi digmaan at hindi red-tagging.
Subalit, kung talagang “student welfare” ang prayoridad, isinaalang-alang sana ang pwedeng maging dulot nito sa mga estudyante lalo na sa mga progresibong indibidwal at grupo sa loob ng unibersidad.
Ilang taon na ngang walang konkretong solusyon ang BU at maging ang student council na siya sanang representasyon ng mga estudyante sa unibersidad ukol sa talamak na mga kaso ng pananakot at red-tagging na nangyayari at hindi gaanong nabibigyang tuon sa institusyon.
Ang pagkaalarma ng mga estudyante sa presensya ng mga naka-kulay asul at berde ay isang patunay lamang na hindi kaligtasan ang nadadala ng mga ito kundi pag-aalala lalo na sa gitna ng kasalukuyang panahon kung saan talamak ang mga pangyayari at ang mga inaasahang siyang magpapatupad ng batas ay ang mismong lumalabag nito.
Patuloy na nagagasgas ang mga pangakong uunahin daw ang kapakanan ng mga estudyante kung walang patid pa rin ang pagkakaroon ng mga ganitong sitwasyon.
Marahil ay walang nakitang tanda ng dahas, ngunit litaw ang indikasyon na may intimidasyon na nadama ang mga estudyante ayon na rin sa mga sentimento na inilabas ng iba sa kani-kanilang mga plataporma sa social media.
Walang konkretong depinisyon ang kapayapaan, ngunit siguradong hindi rito kalakip ang mga armas o tangke sa loob ng isang pamantasan. Kung totoong kapayapaan ang tunguhin, dapat sana ay maipakita ito sa mga aspeto na talagang humihiyaw ng presensya nito.
Comments