Ang pagtatapos ng terminong Azul ay ang hudyat ng simula ng pamumunong asul. Sa pagtayo ni Remee Estefany Baldorado bilang susunod na Chairperson and Student Regent (CSR) ng pinakamataas na konseho sa unibersidad, nararapat na maging imparsyal pa rin ang buong katawang-estudyante sa kanyang ilalatag na mga plano at desisyon tungo sa kabutihan at proteksiyon ng mga estudyante ng pamantasan.
Pagkatapos ng limang taong sunod-sunod na pagkapanalo ng mga kandidato ng League of Liberal Reformists (LLR) - Reporma Coalition bilang punong-ulo ng University Student Council (USC) ng Unibersidad ng Bikol (BU), nawakasan ang pamamalakad nila sa ginanap na 2023 University Student Elections kung saan nagwagi ang lima sa sampung kandidato ng BUKLOD BU.
Sa isang taong pag-upo ni dating CSR Asher Jade Azul, walang naging konkretong solusyon ang konseho hinggil sa pananakot at red-tagging cases ng mga student-activist ng BU. Ang pakikipag-usap sa mga awtoridad at paghingi ng abiso sa legal counsel ay siyang naging tuldok sa inaasahang suporta ng mga aktibista sa loob ng unibersidad. Hanggang sa pagtapos ng kanilang termino, naging kontento ang konseho sa mga magagarang salita bilang band-aid solution sa mabigat at totoong intimidasyon na nararanasan ng mga student-activist sa kamay ng mga armadong pwersa sa loob at labas ng pamantasan.
Matatandaan ding nakansela ang inabangang 2022 BU Freshmen Welcome Party na siyang ikinadismaya ng mga university- at college-based organizations na puspusang naghanda at naglabas ng pera upang maisakatuparan ang kanya-kanyang booths at pakulo sa naturang selebrasyon. Nauwi ang ipinangakong pagbabalik ng face-to-face events ng unibersidad sa isa na namang online celebration matapos ang dalawang taong pagganap ng mga pagdiriwang online. Ang hindi malinaw at kadalasan naaantalang komunikasyon sa pagitan ng mga organisasyon at USC ang itinuturong dahilan ng panghihinayang ng student-leaders sa kanilang paggastos at paghihirap sa kaganapang iyon.
Wala ring naipasang resolusyon ang General Legislative Council tungkol sa student rights at welfare. Ang tinanggihang proposal ni dating CSR Marc Louie Aler na siya sanang nagpapahintulot sa mga graduating students na isuot ang kanilang gender expression sa graduation ceremonies ay hindi na muling nabigyang lundo. Sa isang panayam ng The Bicol Universitarian kasama si Azul noong Agosto 2022, sinabi niyang muli nilang ipapasa ang proposal sa Academic Council kaakibat ang mas matapang na argumento, ngunit hindi ito muling naipasa pa.
Higit pa sa maningning na concerts at aesthetic posters sa social media, ang dapat na prayoridad ng konseho ay bigyang hustisya ang pagboto ng bawat estudyante sa kanila. Bilang representasyon ng halos dalawampuโt limang libong estudyante ng BU, nararapat lamang na bigyang-pansin at masugid na bigyan ng solusyon ng USC ang hinaing ng BUeรฑos.
Ang pagkapanalo ni Baldorado ay naging makasaysayan, sapagkat pitong taon na ang nakaraan nang huling maupo ang isang kandidato ng BUKLOD bilang chairperson ng student council. Ayon kay Baldorado, nais niyang magkaroon ng improvement ang konseho at sisiguraduhin niyang anumang pagkukulang ng USC ay agad nilang isasapubliko bilang pirma ng transparency at accountability na kanilang itinataguyod. Binigyang-diin ni Baldorado na kahit noong siya ay deputy secretary-general pa lamang, siya ay para na sa mga estudyante, at hindi iyon magbabago kahit produktibo ang relasyon ng USC at administrasyon ng BU.
Kahit sino pa man ang maitala bilang mga opisyal ng pinakamataas na konseho ng mga mag-aaral sa BU, mahalagang isailalim pa rin natin sila sa kritisismo.
Ang boto ng mga estudyante ang naglagay sa kanila sa posisyon. Makatwiran lamang na unahin nilang dinggin ang hinaing ng mga estudyanteng iniasa ang kanilang boto sa pinaniniwalaan nilang magtutuwid sa iniwang baku-bakong daan ng nakaraang termino.
Ang bughaw na pamamalakad ay hudyat ng pagbabago sa ilalim ng terminong Baldorado. Ngunit manatili tayong mapagmatyag sa bagong pamumuno kahit magkabalikat ang kanilang plataporma at ating pangangailangan. Huwag tayo kailanman makalilimot na sila ay mga opisyal na ating ibinoto at tayo ay botante, hindi panatiko.
Comments