Opinion

Daig Pa Ang Numero Sa Lotto

𝐁𝐘 𝐃𝐄𝐍𝐕𝐄𝐑 π†πŽπƒπ„π™π€ππŽ


Bago pa man nabago sa kasalukuyang sistema ang pagpasa ng medical requirements para sa enrollment, masalimuot ang mga napagdaanan ng mga estudyante ni Beyubs - mayroong umuuwing gutom at luhaan galing sa kabilang probinsiya dahil hindi inabot ng cut-off at mga iilan na hindi na natulog maabot lamang ang numerong nasa kard na ang kapalit ay posibilidad na admisyon sa unibersidad.

Kumbaga ang maliit na papel ay kasing halaga nang tiket ng jackpot sa lotto. Kung papalarin ay makakatulog nang mahimbing dahil sigurado na ang puwesto sa pinag-aagawang slot sa kanyang kolehiyo.

Sa pagpasok ng Hulyo, hindi lamang sa BU clinic nagkaroon ng mini-camping. Sa larawang inilathala ng UnibΓͺ, makikitang may mga estudyanteng naghihintay sa pagbubukas ng isang medikal na laboratoryo sa Polangui, Albay upang magpakuha ng imaheng X-ray sa dibdib na kailangan para makuha ang medical certificate. Sila ay nakapila hindi ala-una ng hapon kundi’y ala-una ng madaling araw para maabot lamang ang cut-off ng laboratoryo.

Kung ihahalintulad sa game show, bago pa man ang jackpot round sa BU Health Services Clinic ay nagkaroon na sila ng preliminary round sa iba’t-ibang laboratoryo sa kanilang probinsiya.

Totoong malinis ang hangarin ng unibersidad na maging maayos at ligtas ang implementasyon ng blended learning sa darating na pasukan. Sa katunayan nga, kaya mayroong mga medical requirement ay para mapatunayan na ang isang estudyante ay malusog, walang karamdaman, at maaaring makilahok sa face-to-face setup.

Subalit ang nasabing hangarin na maging maayos ang pasukan ay lalo pang nagdala ng hindi ligtas na situwasyon sa mga estudyante. Ang pagpila ng ala-una ng umaga at pagpunta sa clinic ng alas-dose para lamang hindi maabutan ng cut-off ay hindi maayos para sa kalusugan nila. Hindi rin ligtas na sila ay maglakad o bumiyaheng dis-oras ng gabi papuntang unibersidad.

Nasubukan na natin ang digital na sistema nitong mga nakaraang taon. Ngunit bakit hindi natin magamit ang sistemang ito sa enrollment lalo pa’t tayo ay sasabak na sa new normal na kumpara dati ay mas technology-oriented na? Nabigo ang mga estudyante sa bahaging ito.

Sa darating na akademikong taon, kumpleto ang lahat ng year levels sa undergraduate simula sa 1st year hanggang 5th year depende sa kurso. Marami na ngayon ang mga estudyante kaysa noong bago ang pandemya na dalawa lamang ang year levels dahil sa pagtigil na dulot ng K-12.

Malaki na ang populasyon ni Beyubs at sana ay nakita ito ng administrasyon saka gumawa ng mas maiging sistema para sa pagpasa ng requirements. Sa ngayon ay nabigyan ng solusyon ang nangyaring kaguluhan sa main campus kapalit ang numero. Sana ang bagong solusyon na inihain ng Office of the Vice President for Academic Affairs ay hindi isang band-aid solution lamang sa nasabing problema.

Sana ay laging isaalang-alang ng administrasyon ang kapakanan ng mga estudyante, dahil ang numerong binibigay sa pila kaninang umaga ay dinaig pa ang lotto. Bagamat walang jackpot prize o milyones, kapalit naman nito ay tiket ng admisyon na maaaring bumago sa kanilang kapalaran. Nawa’y maging ligtas na ang enrollment para sa lahat.

Sinulat ni Denver Godezano
Dibuho ni Henry Gerund Delavin

Originally published on August 2, 2022


Comments