Sandigan ng kalayaang pang-akademiko ang demokrasya na pundasyon ng batas. Kasabay ng paglalagom ng taon ay ang pagharap sa bagong kabanata ng masang Pilipino - tayo ay boboto sa pambansang halalan sa taong 2022.
Ayon sa sarbey na isinagawa ng university student council, 78.6 porsiyento mula sa 8,518 na estudyanteng sumagot ang nais makibahagi at akuin ang politikal na responsibilidad kalakip ng halalan. Markado sa bawat tala ang pagnanais ng radikal na pagbabago para sa mas malaya at progresibong bansa.
Ilan sa mga kasagutan ang nagbahagi ng pangamba dulot ng nananatiling banta ng virus na maaring makaapekto sa maayos na pagsasagawa ng halalan sa susunod na taon. Bukod sa pangamba, kinakatakot rin nila ang posibilidad ng pandaraya na paulit-ulit ng inaakusa sa kasayasayan ng halalan sa bansa. Dagdag pa rito, ang mailap pa rin na pagkawala sa bulok na pamamahala ng administrasyon laban sa COVID-19.
Ngunit ang virus at pandaraya ay hindi nararapat na maging hadlang sa ating pagtugon sa demokrasya, sabi nga ng ilan sa kanilang tugon mahalaga ang darating na halalan sapagkat ito ang magsisilbing pagpapasya sa ating hinaharap gayon na rin ang maaring pagtakas ng mamamayan sa nakakasakal na pagtugon sa krisis.
Bagamat may pag-aalinlangan, huwag hayaang ito ang magdikta ng iyong pasya sa pakikilahok sa halalan. Mas mahigpit ang ating pakikibaka sa ngayon dahil mayroong lalaban na pangulo ang nagnanais na bumalik sa kapangyarihan sa kabila ng ilang ulit na panlilinlang at pagsasawalang bahala ng karahasan na nangyari sa kasaysayan.
Parehong hangad ng mga gahaman sa kapangrihan ang kontrolin ang ating demokrasya. Ngunit ilang ulit mang pagtangkaan at pagtulungan ng iilang pamilya na igapos ang bansa sa kanilang mga palad, ang pagkakaisa ng mga Pilipino ang may kakayahang tumapos sa masamang hangarin na ito.
Karamihan sa estudyante ng Unibersidad ng Bikol (BU) ang boboto sa darating na halalan. Ang mga kabataang botante ng BU ay mamamayang may kaalaman at hindi nagpapalinlang, dahil ang kalinangan na dulot ng scholarship, leadership, character, at service bilang pillars ng unibersidad ay magsisilbing gabay sa paghihiwalay ng huwad sa katotohanan.
Piliin ang kandidatong hindi nanglilinlang ng botanteng Pilipino tungkol sa kanyang scholarship at akademikong kredensiyal, subok nang may kakayang mamuno bilang lider, isang tao na may puso at magandang karakter na maaring magsilbing huwaran sa bansa, at panghuli ay ang tao na handang magbigay ng serbisyo na hindi kapalit ang pagkamkam sa kaban ng bayan.
Naturuan tayo sa loob ng unibersidad gamit ang apat na sandigan ng ating akademikong pagtuklas. Ibinahagi saatin sa bawat politikal na diskurso sa klase ang prinsipyo ng demokrasya, kalayaan, at karapatan - mga aspetong ganap na sandigan ng ating republika.
Huwag nating sayangin ang ating kakayahan sa darating na halalan na baguhin ang kasalukuyan na situwasyon ng ating pamahalaan, akademikong kalayaan, at ng midya at press - sapat na ang ilang taong pagsapo sa nakakasakal na sistema.
Comments