๐๐ ๐๐๐๐๐๐ ๐๐๐๐๐๐๐๐
Pinatay noong panahon ng Martial Law. Binuhay ng bagong Konstitusyon. Ngayo'y muli na namang pinapaslang ng Anti-Terror Law.
Ilan mang ulit na pagtangkaang ilibing, patuloy na lumalaban ang sugatang demokrasya. Ngunit makalipas ang ilang dekada, ang peklat ay muling sinaksak at ang dugo ng kalayaan ay pinaaagos at inuubos.
Ang dating nasa bingit lamang ng kamatayan, ngayon ay patungo na sa kaniyang himlayan.
Binihisang Martial Law kung mailalarawan ang pagsasabatas ng pinakabagong Anti-Terrorism Law. Parehong naghahangad ng mahigpit na kontrol, pagpaparusa sa sinumang magsasalita laban sa pamahalaan, at pagpapakasasa sa hiram na kapangyarihan mula sa mamamayan ang dalawang batas.
Ang mga dating banta na pinunan na sana ng Konstitusyong 1987 ay muling binuhay ng Anti-Terrorism Law. Ngayon, maaari nang maaresto kahit walang warrant of arrest ang sinumang magsasagawa ng kilos protesta kung ito ay magdudulot ng banta sa kapakanan ng publiko na naaayon sa pag-uuri ng pamahalaan. Hindi nabigyang linaw ang pagbibigay-uri sa terorismo ayon sa bagong batas. Ang estado lamang ang may kalayaang humusga kung ang isang pagkilos ay terorismo.
Kung noong dekada โ70 ay tuluyang pinasara ang mga pahayagan at iba pang uri ng midya na kumalaban sa pamahalaan, ngayon ay nasasadlak naman ang sambayanan sa isang katanungan. Kaya pa bang ipaglaban ang kalayaan ng pamamahayag kung ang pagbibigay ng matatapang na mga salita ay maaaring ikategorya bilang terorismo sang-ayon sa malawak na depinisyon nito?
Nasaksihan na ang terorismo ay patuloy na yumayabong ngunit ito ay hindi dahil sa aktibismo at pamamahayag. Ito ay lalo pang lumalawak dahil marami ang naniniwala na ang korapsyon at pasismo sa gobyerno ay walang katapusan at kailanman ay hindi dinidinig ang hikbi ng mga ordinaryong mamamayan.
Mas lalong umusbong ang mga kilusang laban sa pamahalaan noong panahon ng Martial Law. Napatunayan nito na hindi ang kadenang bakal ang magpapahinto sa kanila. Lalo lamang nitong pinaigting ang hangarin ng mga rebelde na mag-aklas at makawala sa higpit ng gapos na pilit itinatali sa kanila.
Marami nang nabiktima ng maling pag-aakusa bilang terorista. Ang mga Muslim sa Mindanao ay kadalasang nadidiskrimina ng paglalahat bilang mga violent extremist.
Nito lamang nakaraang taon, biglang pinasok ng mga pulis ang opisina ng isang Mindanao-based peace building organization nang walang warrant of arrest at sinuri ang lahat ng gamit ng mga batang Moro galing sa Marawi na dumadalo lamang sa isang psychosocial support training. Ang Anti-Terror Law ay maaaring magdulot ng mas matindi pang karahasan sa Mindanao.
Hindi magiging madali ang pagkamit ng kapayapaan lalo na kung dadaanin ito sa isang batas na mas paiigtingin lamang ang galit ng mga nag-aaklas. Maraming masasagasaan ang Anti-Terror Lawโang malayang pamamahayag, ang walang katapusang negosasyon sa pagitan ng pamahalaan at ng mga rebelde, at pati na rin ang pinahahalagahang demokrasya.
Isang malaking aral ang iniwan ng rehimeng Marcos sa ilalim ng Martial Lawโano mang panggigipit ang gawin ng pamahalaan, kailanman ay hindi ito magdudulot ng magandang bunga. Krisis pang-ekonomiya, politikal, militar, at pang-aabuso sa kapangyarihan lamang ang iiwan nito.
Kasalukuyan mang nakahimlay ang demokrasya ay hindi ito nangangahulugang mananatili nang patay sa puso ng mga mamamayan ang alaala nito. Sasariwain ng bawat Pilipino ang pakiramdam kung paano mabuhay sa isang estado na may demokrasya at itoโy patuloy na ipaglalaban sa kabila ng kahit anong pagbabanta.
Sa ganoong paraan, matagal mang mahimlay ang demokrasya, mananatili itong buhay at malakas sa puso't isipan ng bawat Pilipino. Ang damdaming makabayan ng mga patuloy na lumalaban para sa ating tunay na ikalalaya ang gigising sa nakahimlay na demokrasya.
#JunkTerrorLaw #OustDuterte
Sinulat ni Denver Godezano
Dibuho ni Rina
Comments