Dumating ako sa buhay niyo nang ‘di sinasadya. Sa arawaraw na ginawa ng Maykapal, ‘di ko sukat akalaing magiging parte ako ng buhay-kolehiyo niyo. Di ko rin akalaing lilisan na pala ako. Biglaan kasi ang lahat, akala ko may palugit pa. Wala man lang ngang abiso. Saka ko lang nalaman na kailangan ko na pala talagang umalis. Mahirap. Ganito pala yung pakiramdam na kailangan mo ng bitiwan ang salitang, “paalam”. Naaalala ko pa ang gabing iyon. Nakakatakot. Tila hagip ng walis tingting ang malakas na buhos ng ulan sa aking likod at balikat. Malakas din ang ihip ng hangin. Masyadong malamig. Nanunuot sa aking buto at kalamnan kaya naman nangatog ang aking mga tuhod. Mahirap talaga kapag tumatanda. Wala na ang dating lakas ng aking kabataan. Malaki m a n ang aking mga bisig ay wala na ring silbi. Tuluyan na nga akong nanghina sa pagdaan ng mahabang panahon. Ilang segundo bago ako tuluyang bumigay, maraming senaryo ang sumagi sa aking isip. Iyong iba nga di ko na matandaan kung kailan ‘yun eksaktong nangyari. Medyo sumakit nga ang ulo ko sa dami. Pero ayos lang, malayo yun sa bituka. Maraming mukha rin ang nakita ko at kalakip ‘nun ang mga sari-saring kwento. Mga kwentong magkakaiba na magkakahawig. Isa akong piping saksi sa buhay kolehiyo ng nakararami. Maraming taon din ang nilagi ko sa pamantasang ito, kulang ang daliri sa kamay kung bibilangin. Marami-rami na rin ang nakakakilala sa akin. Di ko man gustuhin, madalas nila akong pag-usapan. Iyong ibang estudyante kinikilatis ako mula ulo hanggang paa. Pansinin raw ako dahil sa laki ko. Ewan ko ba kung bakit lumaki ako ng ganito. Di ko naman matanong ang mga magulang ko. Sa hinaba-haba ng panahon, hindi ko na sila matandaan. Ang tanging alam ko ay dito na ako nagkaisip at lumaki sa Bicol University. Marami na akong nalaman at nasaksihan. Maraming alaala ang aking babaunin sa aking paglisan. Nagagalak ako dahil pakiramdam ko narinig ko na ang pinaka-corny na joke at pinaka-cheesy na banat sa buong Beyubs. Wala e, hahagikgik sana ako o makikitawa kunwari kasama nila pero baka sabihin nila na feeling close ako kaya ngumisi na lang ako ng tahimik. Sana nga lang walang nakatingin sa akin ng mga oras na iyon. Mapagkakamalan pa akong baliw. Mahirap na. Eto pa. Maraming propesor akong nakilala sa pamamagitan ng mga estudyante. Lalo na yung mga di naman nagtuturo dito sa main campus. Hindi naman kasi ako nakadestino roon kaya nakakalungkot at di man lamang ako nakatapak sa kanilang mga kolehiyo. Balik tayo sa mga propesor sa pamantasan. Malimit kasi akong puntahan ng mga estudyante. Naiistress daw sila sa mga tambak na mga gawain. Naaawa nga ako dun sa iba. Yung mga subsob sa pag-aaral, na palaging hawak ang libro at notebook. Tapos yung kalong nilang aparato na pinipindot na mala-telebisyon na nadadala lang? Ano nga ulit yun? Basta iyon na iyon. Bumabalik sila, malungkot at di maipinta ang mukha. Walang magawa kundi isumpa ang propesor na nagbigay sa kanila ng tres o singko. Batid ko ang kanilang pagpapagal sa pagbuo ng mga presentasyon at pageensayo para sa mga dulaan , pagtatanghal at pagsasayaw. Madalas silang magpakupkop sa akin, makikiupo tuwing water break at kakain ng snak. Tapos naririnig ko na lamang ang mga asaran kung sino daw yung parang tuod kung sumayaw o kung sino man yung parehong kaliwa ang paa at madalas na magkamali. Ngunit makikita naman ang mga magandang resulta ng kanilang mga pagpapagal. Mga BUeño nga naman. Di lamang matatalino, magagaling at talented pa! Saksi rin ako sa mga nabuong pag-ibig sa lilim ng aking mga dahon. Kung papano sila unang nagkita, nagkakilala, naging magkaibigan hanggang nagkaibigan. Di diyan nawawala ang sari-saring pakulo ni lalaki, mapa-oo lamang si babae. Nakita ko rin ang kinaharap na dagok ng ilang mga relasyon. Si lalaki at babae na di mo akalaing magkasintahan sa layo ng pagitan sa isa’t isa. Naalala ko minsan nang dumungaw ako sa ibaba, nakita ko ang magkagalit na magsing-irog. Matagal ko silang pinagmasdan. Nangawit nga ako nun eh. Akala ko di na sila mag-uusap at magkakaayos. Napangiti na lang ako nang umuwi silang magkahawak kamay. Ang ganda nga nilang tingnan e. Pero di sa lahat ng pagkakataon ay happy ending. Nakita ko rin ang maraming pag-ibig na nauwi sa hiwalayan. Nalulungkot ako para sa kanila, lalo na dun sa naiwan. Yung iba naman, mga sawi sa buhay pag-ibig, o di kaya mga nagmamahal sa malayo o kaya naman yung mga naghinintay. Di ko malilimutan yung matikas na lalaki. Ang alam ko, tagakuha siya ng larawan. Pero nagulat ako nang makita ko siyang nagsusulat ng love letter para ata sa crush niya. Kinilig ako. Meron pa palang nagsusulat ng love letter sa panahon ngayon. Sana lang ay binigay niya yun sa babae. Iba pa rin kasi yung ganoong ligawan, di ba? Malapit din sakin yung mga magkakaibigang nakasama ko, lalo na ang mga barkadahang nabuo sa pamamagitan ko . Nakikiliti ang m g a tenga ko sa mga halakhakan nila . Nakakabusog sa kaluluwa, ‘yung mga ganoong tipo. Masarap din pakinggan ‘yung mga asaran nila. Di rin nawawala ‘yung mga seryosong usapan tulad ng problema sa pamilya, sa boypren o girlpren, sa mga crush o kaya sa kung anong mga bagay sa ilalim ng araw. Nariyan din yung mga nagseselfie kasama ako. Minsan ako yung photobomber, nasa background lang kasi ako, ‘yung tipong naextra lang. Hahanap-hanapin ko ang ingay ng mga estudyante lalo na kapag BU Week at Freshmen Welcome Party. Nagtutugtugan. Nagkakasiya. Ngunit sa mga seryosong usapan, wala na atang tatalo sa Harapan kung saan nakikita ang galing ng mga nagaasam sa posisyon sa University Student Council. Isang bagay pa na mamimiss ko ay tuwing sasapit ang buwan ng Marso. Malinaw pa sa aking isip kung papaano napupuno ang grounds ng mga estudyanteng nagsisipagtapos, kasama ang kanilang naluluhang mga magulang. Isaisa silang umaakyat sa entablado, sabay kuha ng inaasam asam na diploma. Ang kanilang mga ngiti, marahil ang isa sa mga pinakamatamis na nakita ko sa buong buhay ko. Muli kong pinagmasdan ang minahal kong pamantasan at patuloy na mamahalin. Di na tulad ng dati. Marami na ang nagbago at kailangan ng panahon upang tuluyang makabangon dulot ng bagyong Glenda. Alas singko na ng hapon. Maraming mag-aaral ang nandito sa grounds at nagliliwaliw. ‘Yung iba naman nag-eensayo at nagsasasayaw. Intrams na naman nila. Sayang di ko na iyon masisilayan. Napalingon ako sa may Kolehiyo ng Arte at Letra, sa student’s lounge o mas kilala sa tawag na pyramid. May programa ata ang USC ngayong dapithapon. Nagulat ako nang tila narinig ko ang aking pangalan. Sa di malamang dahilan, natigilan ako at saka ko lang napagtanto ang likidong umaagos sa aking mukha. Isang panuntunang alay para sa akin, “Remembering sturdy of life, memories and excellence.” Nakita ko na lamang ang karamihan na tinititigan ako ngunit nanatili akong tahimik at nakinig. Napapikit ako at dinama ang paghalik ng hangin sa aking mga pisngi. Isa-isa na nilang sinambit ang mga alaala ko sa kanila. Ilan lamang ang nagsalita ngunit pakiramdam ko ay maraming tinig ang aking naririnig. Ang sarap pakinggan. Nakakataba ng puso. May nakapagkwento tungkol itsura ko noong araw. Siguro nung mga 1960’s pa iyon, panahon ng pagdiriwang ng Karangahan. Nakakainis nga e, unti unting nabubuko ang edad ko. Pero okay lang, ‘yun naman yung totoo. Lubos akong natuwa sa mga piling estui na naglaan ng effort at ginawan ako ng tula. Nakakatuwa yung isang tigsik na ginawa noong isang taga-CAL at dalawang taga-CS. Syempre, pati na rin itong mga nag-abot sa akin ng mga tula, sa lingwaheng Ingles at Filipino. Talagang maganda ang pagkakagawa at binalot pa ng plastic para di mabasa. Ang gaganda ng mensahe. Di ko sila kilala pero salamat sa kanila sa kanilang pagkilala at pagtanggap. Nakita ko si Earl Ricamunda, dating mag-aaral ng CAL at nagtatrabaho na rin sa BU ngayon. Humawak siya ng mikropono at nagsabing, “Kahit di ko siya isama sa picture, nasasama at nasasama siya sa sobrang laki niya. That way, he truly wants to say that he wants to be part of our lives.” Tama siya. Gustong gusto ko talaga. Ngunit ngayon ay iba na, ni wala akong abilidad na itayo ang sarili ko. Saan na nga ba ako tutungo? Di ko rin alam. Ang sabi-sabi, gagawan daw ako ng museo ng gobernador ng ating probinsya. Ang sabi naman ng ilan ay ipagbibili ako sa highest bidder dahil sa antique value ko. Sabi naman ng ilan, ipapagbili rin ako sa mga alumni ng BU. Ang isa pang narinig ko ay paghahati hatiin ang aking katawan at ilalagay sa mga kampus at kolehiyo. Ayaw ko sanang ako’y ipagbili. Pero kung yun at yun lang ang paraan para sa huling pagkakataon ako’y makapagsilbi sa unibersidad at mga estudyante, kaya ko itong tanggapin. Marahil ito talaga ang nakatadhana. Basta, ang tanging nais ko lamang ay makatulong at maka-ambag sa ika-gaganda at ika-uunlad ng BU. Isa akong buhay na alamat at saksi sa pagkalaya ng mga Bikolano sa mapagmalupit na Espanya. Napagtagumpayan ko ang mga pagyanig ng lupa dulot ng sigalot sa pagitan ng mga Kano at Hapon. Hindi rin nawala ang kisig ko ng malalakas na dilag na bagyo ng kasaysayan; sina Trix, Olive at Sisang, maging sa himutok at pagtuga ni Mayon. Ngunit ngayon, natapos na ang mahigit isangdaa’t labing-tatlong taon kong pamamalagi. Mapalad na naabot ko ang ganitong edad dito sa mundong ibabaw. Bukas o samakalawa, malalagas din ang aking mga dahon at matutuyo na ako ng tuluyan. Mawawala…magiging alaala at parte na lamang ng kasaysayan. Sa aking paglisan, mangungulila ako sa inyong lahat. Mahirap lisanin ang nakasanayan, ngunit kailangang umusad. Kaya muli, nais kong magpasalamat sa pagmamahal, sa pagkalinga at sa lahat ng mga alaala. Eto na. Bibitawan ko na ang mga salita. Paalam, mga kaibigan. Ngunit malay niyo? Muli tayong magkitakita. Kaya magtanim kayo ha? Dahil kung papayagan man ng langit, pipiliin kong maging puno ulit. Dito sa BU, sa aking tahanan, sa aking pamilya...
Nagmamahal, Centree
𝙉𝙞𝙣𝙖 𝘼𝙧𝙩𝙝𝙚𝙨𝙨𝙖 𝙈𝙖𝙧𝙞𝙚 𝙇𝙖𝙙𝙤𝙞𝙣𝙜 𝙖𝙩 𝙍𝙚𝙣𝙯 𝙉𝙞𝙠𝙠𝙤𝙡 𝙈𝙤𝙧𝙩𝙚𝙜𝙖
𝙅𝙪𝙣𝙚-𝙎𝙚𝙥𝙩𝙚𝙢𝙗𝙚𝙧 2014
Comments