Mahigit tatlong buwan na lamang ang hihintayin ko bago pumatak ang pinakaaasam na araw sa kalendaryo. Libo-libong kabataan din ang nag-aabang ng espesyal na sandaling ito. At bagaman may edad na akong maituturing, sariwa parin sa aking alaala kung paano nakapagdulot ng ngiti ang kaarawan ko noong nakaraang taon. Walang cake, regalo, o anumang klaseng sorpresa ang inihanda para sa akin. Sa halip, nar’yan ang kulitan ng mga barkada, sayawan sa oval, mga palarong isports, hiyawan at iba pa. Ngunit kung gaano kadalas mahulog ang mga hinagis-hagis sa ere na mga mananayaw sa unang araw ng aking nakaraang anibersaryo ay siya ring dalas ng pagtapon ng mga bagay na sa kanilang pakiwari’y basura na. Ewan ko ba. Sa labis na tuwa ata’y nakalimutan na nilang ako pa rin ang kanilang pangalawang tahanan. Ang sakit lang isipin na sa loob ng napakaraming taon, ganito lagi kung matapos ang aking kaarawan — madumi, sobrang dumi. Kung mapagdamdam lang ako’y iisipin kong ito ang regalo’t sukli nila sa aking tulong sa pagpapanday ng diwa. Sa kabilang banda, natawa naman ako sa lakas ng tama ng mga nangangarap na tawagin akong world class. Siguro’y labis na nga ang sangsang ng sistemang bulok kaya’t napakasama rin ng hanging nalanghap ukol sa kahibangang yaon. Hindi naman sa ayaw kong umusad sa aking estado ngunit nakakahiya lang talagang makabitan ng pang-uring world class kung ang mga matagal na ngang problema’y di pa rin nabibigyan solusyon. Nahiya din ako sa mga kabataang kasabay na iniangat ang pangalan ko sa mga propesyunal na pagsusulit. Sa kabila ng kakulangan sa aking mga ekwipment, laboratoryo, at mga kagamitan, nagawa parin nilang makipagsabayan sa mga indibidwal na galing sa mga prestihiyoso kong kauri. Naiinggit ako sa kanila. Nais ko ring bigyan ng kumpleto at maayos na kagamitan ang mga kabataang sa aki’y nananahan. Ngunit sino nga ba naman ako? Nakakainis dahil wala akong magawa. Sa aking pagmamasid, akin namang napansin ang pyramid, isa sa mga istrakturang labis kong hinahangaan. Grabe. Sa loob ng mahigit dalawang taon, bakas pa rin ang hagupit ng matagal nang nalusaw na bagyong Glenda. Siguro’y para sa kanila’y napakasarap titigan ang sira-sirang mga bubong na dati’y nagsilbing atraksyon. Binilang na at ipinresenta sa nauukulan ang halaga ng mga nasira sa bagyo ngunit tila hanggang doon na lamang ‘yun. Naalala ko tuloy yung dalawang estudyanteng minsan kong narinig na tila nagtatalo. Ngayon ko lang napagtanto na tama nga yung isang babae nang sabihin nya sa kanyang kasama na “para mo lang ibinahagi ang problema mo nang walang intensyong solusyonan ito”. Oo nga naman. Sa halos 200 milyong pisong halaga ng destruksyon, hindi ko na lubos maisip kung paano ako magmumukha. Siguro’y gutay-gutay na ako kung wawariin. Pero sa tingin ko ay ayos pa naman ako. Kinakaya pa naman ng tuhod kong tumayo bagaman ay mahina na ang baga ko. Sa dinami-dami ba naman ng sasakyang naglalabas-pasok sa aking mga pintuan, at sa unti ng mga punong nananatiling nakatayo sa aking paligid, ewan ko na lang kung hindi ‘to bumigay. Isa rin sa mga nakapagdulot ng stress sa akin ay ang tila aso’t pusang pagtatalo sa pagitan ng administrasyon at ng mga illegal raw na naninirahan sa aking likurang bahagi. Kung gaano kasakit sa tainga ang mga ingay na ito ay sya ring sakit sa puso ng paglisan ng mga pamilyang ilang taon ding nanirahan sa aking kandungan. Kung may ibang paraan sana para umusad nang walang maaapektuhan ng ganito, iminungkahi ko na. Sa ilang taon kong pamamalagi rito sa mundong ibabaw bilang si Bicol University, hindi na bago para sa akin ang mga problemang yaon. Bagkus, ito ay iilan na lamang sa pinakamabibigat na pasanin ko habang patuloy na tumatanda. Nalalapit na ang aking ika-apatnapu’t pitong kaarawan at sa tatahaking landasin ay walang kasiguraduhan kung ano ang naghihintay sa dulo. Mas masarap sana lumakad kung walang extra baggage. Uusad ba ako o hindi? Gayunpaman, hindi naman ako mag-isa sa byaheng ito. ‘Di ba nga kasama ko kayo?
𝙉𝙞 𝘽𝙧𝙮𝙖𝙣 𝘿𝙚𝙡 𝘾𝙖𝙨𝙩𝙞𝙡𝙡𝙤
𝘿𝙞𝙗𝙪𝙝𝙤 𝙣𝙞 𝘿𝙚𝙖𝙣𝙤 𝘾𝙝𝙧𝙞𝙨𝙩𝙞𝙖𝙣 𝙀𝙘𝙝𝙖𝙜𝙪𝙚
𝙅𝙪𝙣𝙚 2016
Comments