Opinion

Isuko Ang Bataan

Kritkikal ang estado ng ating kapaligiran sa kasalukuyan. Ang isang maliit na pagkakamali ay maaring magdulot ng pangmatagalang suliranin at nakakabahalang pighati. Marapat lamang na ang mga desisyon patungkol sa paggamit ng mga pinagkukunang-yaman ay pagtuunan din ng kritikal na pagsusuri nang sa gayon ay maging angkop ang pagpapasya.


Ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) ang kauna-unahan at nag-iisang nuclear power plant sa bansa na magpahanggang ngayon ay hindi pinakikinabangan at patuloy pang pinagkakagastusan ng pamahalaan.


Sa pagpasok ng bagong administrasyon ay siyang pag-ugong muli ng hindi matapos-tapos na isyung buksan at gamitin na ang mahigit tatlumpung taong planta. Ayon sa kalihim ng Kagawaran ng Enerhiya na si Alfonso Cusi, balak niyang buhayin ang BNPP at ikunsidera ang nuclear power bilang alternatibong mapagkukunan ng enerhiya dahil na rin sa banta ng energy crisis sa bansa.


Ang BNPP ay ipinatayo ni dating Pangulong Marcos taong 1976 bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at upang mabawasan ang pagaangkat nito mula sa ibang bansa. Natapos ang proyekto taong 1984 ngunit hindi na pinayagan pang patakbuhin ng administrasyong Aquino matapos ang aksidenteng nangyari sa Chernobyl Nuclear Power Plant ilang buwan lamang matapos siya umupo sa pwesto.


Ito ay sinuportahan ng mga residenteng malapit sa planta dahil sa pangambang maaaring maidulot nito sa kalusugan at sa kapaligiran.Sa kasulukuyan, ito ay pag-aari ng National Power Corporation (NAPOCOR) na patuloy na pinapanatili at pinipreserba na inaabot ng 40-50 milyong piso ang gastos bawat taon. Sa matagal nang panahon, fossil fuel at coal ang mga pangunahing pinagkukunan ng enerhiya ng bansa.


Dahil sa patuloy pagtaas ng presyo nito sa pandaigdigang merkado at paubos na rin ang reserba sa ilang bansa, partikular na sa mga bansang nasa Gitnang Silangan nararapat lamang na maghanap ng alternatibong mapagkukunan.


Ngunit nuclear energy nga ba ang solusyon sa ating suliranin sa enerhiya? Ayon kay dating Pangasinan Representative Mark Cojuangco, isa sa mga pangunahing nagsusulong ng pagbubukas ng BNPP, mas mura ang nuclear energy kumpara sa coal. Ayon sa kanya, sa bawat labing walong buwan, ang 20 tonelada ng Uranium fuel (pangunahing kemikal na ginagamit sa nuclear power generation) ay aabutin lamang ng 20 milyong dolyar kumpara sa katumbas nitong 2.55 milyong tonelada ng coal na umaabot ng 102 milyong dolyar.


Ibig sabihin, mas makakatipid ang bansa ng 80 milyong dolyar sa bawat labing walong buwan kung nuclear energy ang gagamitin. Ngunit dahil na rin sa tagal na hindi ito nagamit, kailangan din isaalang-

alang ang pagsasa-ayos ng planta. Ayon sa Korean Electric Power Company na inatasan ng NAPOCOR na i-assess ang kondisyon ng tumatanda nang planta, gagastos ng humigit-kumulang 1 bilyong dolyar para sa rehabilitasyon nito.


Samantala, ayon naman sa environmental group na Greenpeace, ang gagastusin sa pag-aayos at pagpapatakbo ng BNPP ay hihigitan lamang ang halaga ng enerhiyang makukuha rito. Sa halip

na bumababa ang singil sa kuryente, ay magiging bagong pasanin lamang ito ng mga Pilipino. Kukulangin din umano ang 1 bilyong dolyar na nakalaan sa rehabilitasyon ng planta dahil na rin sa mga overrun, delay, tanda ng planta at mga napansing sira nito.


Isa rin sa mga dahilan ng pagtutol ng mga environmentalists ay ang pangamba nito sa kapaligiran. Ang mga nuclear power plants ay nagpu-produce ng radioactive waste na maaaring magdulot ng masama sa kalusugan at kapaligiran.


Hanggang ngayon, wala pa ring nakakaalam kung papaano idi-dispose ang mga mapanganib na kemikal na ito. Kaya ang lahat ng radioactive waste sa mundo mula nung unang mag-generate ng enerhiya galing sa mga nuclear power plant ay patuloy paring iniiimbak. Hindi man ito itinatapon, ang banta nitong tumagas ang pinangagambahan ng mga environmentalists tulad ng nangyari sa mga aksidente sa Three Mile Island noong 1979, Chernobyl noong 1986 at noon lamang 2011 sa Fukushima matapos tumama ang isang 9.1 magnitude na lindol sa Japan.


Ang BNPP ay hindi malayong maapektuhan din kung sakaling lumindol dahil ito ay nakatayo malapit sa Mt. Natib na isa ring dormant volcano tulad ng Mt. Pinatubo at sa Iba Fault na isang major earthquake fault line. Dagdag pa rito, ang pag-iimbak ng mga radioactive waste ay hindi tiyak kung hanggang kailan dahil na rin sa tagal bago bumaba o tuluyang mawala ang radioactivity level nito. Maaaring umabaot ng libo-libong taon o higit pa. Kaya kahit isara man ang planta ay patuloy pa rin ang pag-iimbak ng radioactive waste.


Ibig sabihin, patuloy din ang gastos ngpamahalaan sa pag-iimbak nito. Hindi rin praktikal ang muling

pagsasaayos ng BNPP dahil ito ay higit 3 dekada na ang tanda kung saan ang karamihan sa mga nuclear power plants sa mundo ay umaabot lamang ng 40 taon ang operasyon.


Kilala ang ating bansa bilang ehemplo pagdating sa pangangalaga ng kalikasan ngunit bakit patuloy parin ang usapin sa pagpapatakbo ng isang banta sa kaligtasan, kalusugan at kapaligiran? Nitong 2008 lamang ay naipasa ang Renewable Energy Act na naglalayong suportahan ang renewable energy bilang alternatibong mapagkukunan ng enerhiya. Bakit hindi na lang pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang mga mapagkukunan ng enerhiya tulad ng solar, wind at hydroelectricity na matagal nang nasimulan at hindi pa nagdudulot ng panganib sa mga tao at sa kapaligiran?


Hindi masama ang pagbabago ngunit dapat din nating tandaan na hindi sa lahat ng pagkakataon ay nakabubuti ito. Sa pagkakataong ito, solusyon ang kailangan natin hindi panibagong suliranin. Ang BNPP ay isang malaking pagkakamali ng nakaraan at nasa atin na lamang kung ipagpapatuloy pa natin ito. Sanaโ€™y magkaunawaan na tayoโ€™t magkaroon na ng desisyon ang pamahalaan sa kung ano na talaga ang gagawin sa planta upang mapagtuunan na natin ng pansin ang mga totoong solusyon at makausad na tayo sa tila walang katapusang diskusyon.


Isang malaking sugal ang kung ipagpapatuloy pa ba ang nuclear energy sa bansa. Sugal na nakataya ay ang kaligtasan, kalusugan at kaban ng bayan.


Saan ka pupusta? Ipaglalaban o isusuko na nga ba ang Bataan?



๐™‰๐™ž ๐™‰๐™ž๐™˜๐™๐™ค๐™ก๐™š ๐˜ฝ๐™–๐™ก๐™ค๐™ก๐™ค๐™ฎ
๐™‹๐™ช๐™—๐™ก๐™ž๐™จ๐™๐™š๐™™ ๐™™๐™–๐™ฉ๐™š: ๐™Š๐™˜๐™ฉ๐™ค๐™—๐™š๐™ง 2016.

๐˜ฟ๐™ž๐™—๐™ช๐™๐™ค ๐™ฃ๐™ž ๐™‚๐™š๐™ง๐™–๐™ก๐™™ ๐˜ผ๐™ก๐™ค๐™ฃ๐™ฉ๐™–๐™œ๐™– ๐˜ฝ๐™ง๐™š๐™˜๐™ž๐™–, ๐™๐™ฃ๐™ž๐™—๐™š ๐˜ผ๐™ง๐™ฉ๐™ž๐™จ๐™ฉ

Comments