DIBUHO | Paul Basilla, Artist
Ala-una ng hapon, ika-22 ng Setyembre 2025, maagang tinapos ang klase namin ngayon at kasalukuyan kong binabagtas ang daan pauwi sa amin. Selebrasyon daw ng "Kainang Pamilya Mahalaga," alinsunod sa Proklamasyong Blg. 326 noong 2012. Taunan daw itong ipinagdiriwang tuwing ika-apat na Lunes ng buwan ng Setyembre—pagdiriwang upang bigyang importansya ang pagsasama-sama ng bawat pamilya sa pamamagitan ng pagsasalo-salo at pagpapaigting na rin sa isang malalim na kasanayang Filipino, paliwanag ng aming guro. Sapantaha ko, mas gugustuhin ko na lang na gugulin ang mga natitirang oras sa paaralan.
Para sa pinggang iba ang kasalo.
Habang binabaybay ang eskinita pabalik, marami akong nakasasalubong na kapwa ko estudyante, karamihan ay kolehiyo. Narinig ko pa ang usapan ng isang grupong naglalakad sa aking unahan, "Saan tayo kakain? Buti na lang suspended, makakagawa pa tayo ng mga gawain." Sa isip ko, hindi ba nila gustong umuwi at gunitain ang pagdiriwang ngayon?
Tinahak nila ang landas patungo sa isang kainan at masayang nagsalo roon. Napagtanto ko na mas pipiliin din nilang kasalo sa hapag ang sandamakmak na gawain sa halip na umuwi, hindi dahil ayaw nila kundi dahil sa pangarap na kanilang inaasam sa loob ng apat na taong gugugulin nila. Darating din ang ikaapat na Lunes ng Setyembre na makakauwi sila upang gunitain ito. Ngunit sa ngayon, ang isa't isa na muna ang kaharap nila sa mesa.
Para sa pinggang katiting ang laman.
Tirik ang araw. Tagaktak ang pawis ng mutya sa gilid ng establisyimento. Matiyagang nakatayo sa tarangkahan ng gusali. Bawat kabig ng mga tao sa pinto ay pag-asa para sa kanila. Pag-asa na makalikom ng kahit kakarampot na sentimo.
Hindi rin alintana ang pagod, makaipon lang ng barya upang makabili ng pagkain nang sa gayon maibsan ang kalam sa kanilang mga sikmura. Naaaninag sa mata ng mutya ang galak at pasasalamat nang narinig niya ang kalansing ng barya na inihulog sa kaniyang lalagyan. Kaagad niyang sinamsam ang laman ng kinakalawang na lata upang bilangin ang sentimong nalikom. Agad niyang tinungo ang karinderya, bumili ng isang takal ng ulam, at isang balot ng kanin. Buong galak niyang binalikan ang mga kasama, hindi man magkaano-ano ngunit sa tagal na nilang magkakasama ay itinuring niya ng pamilya. Isang plato para sa kanilang lahat.
Para pinggang hindi buo.
Hindi ko namalayang nakauwi na pala ako, okupado pa rin ang isip sa aking mga napagtanto. Nadatnan ko ang aking magulang na nagluluto ng aming hapunan. Ako’y napaisip ulit na mali pala na mas gustuhin kong manatili sa paaralan sapagkat hindi lahat ay tulad kong may mauuwian.
Bandang alas-sais ng gabi nang tawagin ako upang kumain na. Handa na ang hapag, luto na ang ulam, at may anim na plato sa mesa.
Nakapagtataka sapagkat lima lamang kami sa bahay dahil nasa malayo si Papa upang kumayod. Habang kumakain, tumunog ang telepono at tumawag si Papa upang sabayan raw kami sa pagkain. Napuno ng tuwa ang aking puso dahil kahit papaano ay kasama namin siya sa hapag.
Bago matulog marami akong napagtanto: Hindi lahat pare-pareho ng pinggan sa hapag.
Hindi lahat may pribilehiyo katulad ng platong iyong tinatamasa. May ibang pinggang puno ng pangarap kahit sa hapag ay iba ang kasalo, may isang pinggang kaunti lang ang laman ngunit busog na at kuntento, at may pinggang hindi kumpleto ngunit kahit papaano ay salo-salo.
Kailanman ay hindi nakakulong sa isang espesyal na Lunes o selebrasyon lamang ang salo-salo ng bawat pamilya—kailanman ay hindi ito nalimita sa rami ng putahe sa plato, sa kung sino man ang kasalo, o sa pisikal na pagtitipon—sapagkat ang halaga ng itinuturing mong pamilya ay hindi laging nananalaytay sa dugo kundi sa makabuluhang pagsasama.