Opinion

Tagu-taguan, Maliwanag Ang Buwan

90’s generation: ang mga lumaki’t namulat sa tunay na langis ng kabataan. Mga batang lumaki na wala pa ang DoTA at Facebook. Mga batang nagdungis sa kalsada, naligo sa ilog at nagpawis sa ilalim ng araw. Mga batang may mga pinakamasayang alaala. Alaalang naimbak sa sulok ng isipan dahil maging sila ay ayaw kalimutan ang bawat piraso ng kanilang memorya.

Hindi nyo napapansin, pero pahapyaw na nagbabalik ang mga pangyayari sa mga musmos na nabuhay noong dekada nobenta. Alalahanin ang Pogs, Tex, Trumpo, Jolens at Lastiko na pinagbantaang lagain ng nanay mo kapag di ka tumigil sa paglalaro nito. Yung Tamia, Crush- Gear at Beyblade na halos makasira nang palanggana nila Tiya Nora dahil ginagawa mong gamefield.

Sa klase, sinubukan mo ding bilangin kung ilan ang mga tao sa bawat pahina ng iyong libro. Ang kabila, sa kaibigan mo at ang isa naman ay saiyo. Kung kaninong pahina ang may mas maraming tao, isang pitik ang premyo. Paano naman yung Kisses na pinaniwalaan mong nanganganak? Pati yung Plastic Balloon na ang sarap palobohin.

Pinapahirapan din kayong bigyan ng piso ng mama nyo at sa tuwing may bisita, ang lakas ng loob niyong humingi sa kanila. Paano naman yung brickgame na magdamag mong hawak? Nagkaroon ka na din ba ng teleponong Teletubbies na kumakanta ng “Ayaiyai, you’re my little butterfly...”? Inggit na inggit ka noon sa mga kaklase mong mayroong GameBoy.

Gustong-gusto mo magkaroon ng cellphone para makapaglaro ka lang ng Space Impact at Snake. Sigurado, naubos mo na ding pakinggan ang bawat ringtone ng 3310 ni papa mo. Paano naman yung DragonBall Z, Detective Conan, Ghost Fighter, Lupin III at Slam Dunk? Nagtaka ka na rin ba kung gaano kalaki ang pouch ni Doraemon at kung bakit lumolobo si Mojacko?

Tapos pinag-awayan niyo ring magkakapatid o ng mga kaibigan mo kung sino ba talaga ang mas malakas, si Daimos ba o si Voltes V? Digimon ba o Pokemon? Eh yung Power Rangers kaya? Nakipagtalo ka na rin ba dahil gusto mong ikaw si Power Ranger Red? Paano naman yung Bahay Bahayan na nagkalituhan kung sino ang nanay at tatay?

Tapos hapon-hapon ding naglalaro ng Langit Lupa, Tumbang Preso, Tagu-Taguan, Sili-Sili, Doctor WakWak, Personal Game/Agawan Base at ang walang kamatayang Jack en Poy, aka Batobatopik. Wag mong sabihin di ka nagkaron ng kaaway dahil sa mga yan, napikon at paminsan, umiyak kapag napagkaisahan.

Nakakain ka na ng Karoke, Halo Halo, Tomi at Mobi. Makulit ka pa noon, sinubukan mong kumanta sa harap ng electric fan. Binubuksan ng unti-unti ang ref para makita kung pumapatay ang ilaw, nakapaglaro nang Bingo sa burol at paborito mong dumalaw dito dahil sa mga natatanging snack na meron. Sinipsip ang sap ng Santan.

Nagpalipad ng Sarangola.

Ngumuya ng Bazooka at Tarzan.

Nagkaron ng pellet gun o paper doll kung babae.

Naglaro ng Street Fighter sa Arcade.

Gustong magkaron ng Troller bag at yung umiilaw na sapatos. May notebook na may mukha ng artista na palaging may drawing sa likod ng mga huling pahina. Tuwang-tuwa kapag nakakakita ng eroplano. Nangolekta ng tansan. Nalagyan nang tinta ang uniform dahil sa pagtae ng ballpen.

Kumain ng aratilis. Tumaya ng piso sa perya. At saan-saan nakaabot kakahanap ng gagamba para ipanlaban. Minsan na nitong minarkahan ang ating pagkabata. Nagiwan ng dungis sa ating mga mukha. Unti-unti nang nabubura sa mura nating isipan ang mga bagay na katulad nito. Marahil, tumatanda na tayo at may mga bagay nang nagbibigay ng bagong laro sa ating isipan.

Larong sa tingin natin ay nauuso. Larong kinagisnan ng makabagong kabataan. Ano kayang kamusmusan meron sila kung ang mga bagay na katulad nito ay napalitan na ng pagbabago. Meron din kaya silang alaaalaang nakaimbak sa kanilang isipan?

Di mo pa noon naranasan ang modernong pagbabago. Di mo pa naranasan ang buhay sa harap ng computer na madalas, pumapatay sa pagkabata ng henerasyon ngayon. Ngayon, Unti-unti na nating nararanasan ang pagbabagong ito. Pagbabagong tanging permanente sa mundo. Pagbabagong kailangan nating tanggapin. Anung alaala kaya magkakaroon ang mga susunod na

henerasyon? 100 years from now, anong meron?



𝙉𝙞 𝙣𝙤𝙧𝙗𝙚𝙧𝙩𝙤 𝙇 𝙈𝙖𝙣𝙡𝙖𝙥𝙖𝙨 𝙅𝙧
𝙋𝙪𝙗𝙡𝙞𝙨𝙝𝙚𝙙 𝙙𝙖𝙩𝙚: 𝙊𝙘𝙩𝙤𝙗𝙚𝙧, 2017

𝘼𝙧𝙩𝙬𝙤𝙧𝙠 𝙗𝙮 𝙅𝙖𝙣 𝙍𝙚𝙚𝙯𝙤 𝘼𝙡𝙢𝙖𝙞𝙙𝙖, 𝙐𝙣𝙞𝙗𝙚 𝘼𝙧𝙩𝙞𝙨𝙩

Comments