'Marcos singilin, Duterte panagutin': Progresibong grupo sa CamSur nananwagang litisin lahat ng opisyales, hindi lang kontraktor
News

'Marcos singilin, Duterte panagutin': Progresibong grupo sa CamSur nananwagang litisin lahat ng opisyales, hindi lang kontraktor

LAYOUT | Sofia Modestano, Layout Artis
Kasabay ng panawagang wakasan ang korapsyon sa pamahalaan, binigyang-diin ng Bayan Muna Party-list Camarines Sur na dapat panagutin ang lahat ng mga politikong sangkot sa maanomalyang flood control projects.

“Ano ta mga opisyal lang kang DPWH ang sinisingil? Ano ta si mga kontraktor lang? Ano ta si mga opisyal kan gobyerno dai nililitis?” saad ng Secretary-General ng BAYAN Muna CamSur sa kilos-protestang isinagawa sa Plaza Rizal, Naga City, Setyembre 21.

Kaniya ring binigyang-diin na sa lahat ng mga opisyales na ito, huwag dapat kalimutan ang katiwalian nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte.

“Panaguton ta po si Duterte. Singilon ta ang Marcos administration. Gabos na mga korap na opisyal, satuyang ipakulong. Imagine po, Sara Duterte, 150 million pesos, pondo para sa edukasyon, ginastos lang sa onseng aldaw na dai ngani ma-liquidate pati ngaran kang mga tsitsiriya tigralaag na,” dagdag niya.

Saad naman ng Gabriela Women’s Party CamSur, huwad na hakbang at pakitang-tao lamang ang inilunsad ni Marcos Jr. na Sumbong sa Bayan dahil ang mga korapsyong kaniyang isiniwalat ay nangyari sa ilalim ng kaniyang administrasyon.

Kung mayroon man aniyang dapat mapanagot, walang iba kundi si Marcos Jr. dahil siya ang commander-in-chief na pumipirma sa lahat ng kalakaran ng mga pampamahalaang ahensya.

Nilahukan din ang nasabing protesta ng Damayan ng mga Paraoma (Dampa), Kabataan Partylist CamSur, Karapatan Bicol, Jovenes Anakbayan Naga City, Alliance of Concerned Teachers (Act Teachers) Bicol, Bunyog Pagkakaisa Partylist, Bagong Alyansang Makabayan - Bicol, The Pillars, ADNU for Palestine, CEGP Bicol, UP Alumni Association, at Nungka, organisasyon ng mga lokal na artista sa CamSur.

Ipinahayag naman ng mga lokal na artista sa Naga City ang kanilang panawagan kontra korapsyon sa pamamagitan ng kantahan at pagpinta kasunod ng isinagawang kilos-protesta ng mga progresibong grupo.

“May kabuluhan ang arts and culture. May papel siyang ginagampanan bako lang sa pagtaram. Ang pagprotesta o ang pagpapahayag kan kaanggutan, kan sentimyento kan namamanwaan, pwedeng ipahayag yan sa paagi kan kanta, pwedeng sa visual, pwedeng sa dance, pwedeng sa theater,” paliwanag ni Joannah Ramores, miyembro ng Nungka.

Kabilang sa mga kinanta ng mga lokal na mangangawit ang orihinal na “Baguhin ang Mundo” at ang isinalin sa Filipino na “Di Niyo Ba Naririnig” bilang mga kanta ng protesta kontra korapsyon.

“Ang pangapudan of course, anti-corruption. Itong istap the korap ngani subago si ano ta tig-aagaw kang korapsyon ang supposedly dapat sa edukasyon, para sa kalusugan, para sa satuyang maayos na tinampo, maayos na public services,” dagdag ni Ramores.

Agaw-pansin rin sa naturang protesta ang ipininta ng Bicol Artists Tribe na imahe ng buwaya at baboy, mga simbolismo para sa mga tiwaling opisyales ng pamahalaan.

Saad ni Ramores, hangga’t hindi naaalis ang korapsyon, hindi rin matatapos ang mga suliranin sa sistema. Kaya bilang responsableng mamamayan, ang naturang pagtatanghal ay kanilang paraan ng pakikibahagi at pakikialam.

Idinaos ang programa sa Naga kasabay ng malawakang protesta sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang na ang Luneta Park at EDSA Shrine, gayundin sa Kalayaan Park sa Legazpi City at Imelda Boulevard sa Catanduanes.

Panawagan nito ang pagpapanagot sa mga sangkot sa korapsyon kasunod ng mga pinakahuling pagsisiwalat ukol sa flood control kickback scandal.