Tayo ang magdidikta kung saan dapat tayo pumwesto
Feature

Tayo ang magdidikta kung saan dapat tayo pumwesto

DIBUHO | John Mark Cuz, Artist
Sa ilalim ng puno ng mangga, sa tabi ng kalsadang bumubuo sa bituka ng kaloob-looban ng Pamantasan ng Bicol, naroon kami nakaupo ni Nic Valencia, isang estudyante-aktibista.

Palubog na rin ang araw, kaya’t ipinagpatuloy na namin ang pag-uusap habang nagtitiis sa mga dumadapong langaw, sa ingay ng mga humaharurot na motor, at sa kinauupuan naming kahoy na hindi namin namalayang nabasa pala ng ulan.

Matapos libutin ang pamantasan upang maghanap ng ibang mas komportableng puwesto para sa aming itinakdang panayam, dito pa rin ang aming bagsak. Lugar na kung tutuusin ay pinakaligtas na kaysa sa ibang pasilidad na bagama’t komportable ay kumpulan naman ang mga tao.

Dahil sa estadong ito, bagama’t protektado ng konstitusyon ang kalayaan sa pamamahayag, hindi pa rin ito maituturing na malaya at ligtas. Tapos na ang Martial Law, pero ang mga restriksyong ipinatupad noon, nararanasan pa rin hanggang ngayon.

“Walang pinag-iba [ang kasalukuyan sa panahon ng Batas Militar], baka nga lumala pa. Sa ilalim ng bawat administrasyon pagkatapos ng Martial Law ay laging may bagong pangalan ang mga batas na nagsusupil sa karapatang pantao ng mamamayan,” saad ni Nic.

Sariwa pa sa kaniyang alaala kung paano pinaratangan ng Philippine National Police (PNP) noong 2024 na kuta ng mga komunista ang iba’t ibang pamantasan sa bansa kabilang na ang Bicol University — bagay na kinondena ng iba’t ibang progresibong organisasyon.

Natawa na lamang si Nic sa ideyang inaakala siguro ng estado na kung kailan tumuntong ang kabataan sa kolehiyo, ay saka lamang sila nagsisimulang mamulat sa mga panlipunang isyu.
“Fun fact, bago pa ako pumasok sa kolehiyo, bago pa ako pumasok sa unibersidad, nakikita ko na ang kondisyon ng lipunan. Bago pa ako pumasok sa Kabataan Party-list Bicol, nakikita ko ang sitwasyon ng mamamayan, eh. Sa panahon ni Duterte, ‘yung drug war, patay dito, patay doon,” saad ni Nic.

Madalas siyang makita sa unahan ng mga kilos-protesta sa loob at labas ng pamantasan. Bagama’t hindi gaanong katangkaran, litaw na litaw ang kaniyang presensya sa gitna ng kumpulan ng mga tagapakinig at rallyista. Madali siyang mapapansin sa tuwing hawak niya na ang megaphone — malakas ang boses, may diin sa bawat salita, at may tono ng pagkumbinsi sa bawat pahayag.

Taliwas sa ipinaparatang ng estado, walang isang partikular na pangyayari, libro, o indibiduwal ang bumulong at dumikta sa mga aktibista-estudyanteng tulad ni Nic upang makibaka. Saad niya, “Hindi po tungkol sa kagustuhan lang o pagkakumbinsi, kundi tungkol sa pagpapasya na ito ang kailangan nating gawin.”

Kuwento ng mga pang-aabuso sa mga kapwa niya kabataan at kababaihan. Kuwento ng mga mangingisda, magsasaka, at mga manggagawa. Paulit-ulit na pandarambong at pananamantala ng mga pulitiko at pandarahas ng pulisya’t militar. Walang katapusang pagtitiis sa hirap at palalang krisis mula noon hanggang ngayon.

Ilan lamang iyan sa mga nagtutulak kay Nic na bumoses at magsulong ng tunay na demokrasya at kalayaan.

At hindi siya nag-iisa sa laban na ito. Ngayong Setyembre 21, kasabay ng paggunita sa Batas Militar, malawakang protesta ang inorganisa sa iba’t ibang panig ng bansa upang kondenahin ang korapsyon hindi lamang sa maanomalyang flood control projects, kundi sa ilang taon nang tradisyon ng pangungurakot ng mga nasa posisyon.

Panawagan ng mga progresibong grupo ang pagpapatalsik sa puwesto, pagpapanagot, at pag-aresto sa lahat ng sangkot sa anomalya; ibalik sa taumbayan ang mga perang ninakaw; ibasura ang pork barrel funds; buksan ang Statements of Assets, Liabilities, and Networth (SALN) ng lahat ng government officials; ilabas ang lista at i-ban ang mga kontraktor at supplier na sangkot sa katiwalian; buksan sa publiko ang buong records ng mga budget hearing; at wakasan ang mga dinastiya.

Saad ni Nic, sa pamamagitan ng kilos-protesta, mas nakakalampag ang mga ahensya ng gobyerno na pakinggan ang hinaing ng masa, at mas napupuwersa silang aksyunan ang hinihiling na pagbabago ng taumbayan. Kaya panawagan niya rin sa lipunan na huwag sanang ituring na ‘iba’ sa normal na mamamayan ang mga aktibista.

“Pangarap ng bawat aktibista na mawala na ang label na ‘aktibista’ dahil normal na ito; dahil naka-instill na sa pagkatao ng bawat mamamayan ang aktibismo; na dapat magsalita at lumaban sa tuwing may nangyayaring hindi maganda,” saad niya.

Dagdag pa niya, wala nang ibang panahon na mas kailangan ang kabataan kundi ngayon. Hindi na kailangan pang maghintay ng hudyat ng mga kabataan bago umaksyon. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2020, aabot sa 31.40 milyon o halos 28.9 porsiyento ng kabuuang populasyon ng Pilipinas ang kinabibilangan ng kabataan.

“Napakalaki ng papel ng kabataan sa pagbabago ng lipunan dahil tayo ang malawak na pwersa ng populasyon na may sapat na oras, lakas, at talino para baguhin ang mga baluktot na sistemang umiiral sa lipunan. Higit pa, tayo ang may pinakamalaking rason para baguhin ito dahil alam nating tayo ang magmamana ng kinabukasan, kaya kinikilala natin ang matinding pangangailangan na makisangkot dito,” paliwanag ni Nic.

Sa pamamagitan ng pagkalampag sa bulok na sistema, hindi na kailangang magtiis ng taumbayan sa mga trapong tila langaw na pilit pumepeste sa masa, sa nakabibinging ingay ng kumakalam na sikmura, o sa mga kabahayang hindi natin alam kung alin ang nagpapalubog, kung korapsyon ba o baha.  

Hindi na kailangan ng mga ordinaryong Pilipino na suyurin ang sansinukob para lamang hanapin kung saan sila dapat lumugar. Dahil sa isang tunay na demokratikong lipunan, tayo ang magdidikta kung saan dapat tayo pumwesto - hindi ang mga kapitalista o pulitiko.