GRAPHICS | Alejo Sardalla, Artist
Sa tinta’y buhay ang laban
Katotohanan ang sandigan
Di kayang ikulong ng karimlan
Ang boses ng mamamayan
Sa panulat, may liwanag
Sa tanong may katapangan
Hindi krimen ang magsiwalat
Ito’y tungkulin sa bayan
May dahas mang humahadlang
At takot na pumipigil
Mananatiling matatag
Ang pamamahayag na di pasisiil
Anumang araw, ito’y laging panata
Kalayaan sa tuwina'y ipaglaban
Sapagkat ang malayang salita
Ay puso ng demokrasya
Ang kabataang mulat
Sa salita’y naglalakbay
Sa bawat adhika at pahayag
Katotohanan ang alay
Hindi lamang tagapakinig
Kundi tinig ng pagbabago
Sa pamamahayag na tapat
Hinuhubog ang kinabukasan
Sa dyaryo o sa digital man
Sa lansangan o silid-aralan
Ang panulat ay sandata—
Hindi upang manakit, kundi magmulat
Sapagkat ang malayang pahayagan
Ay pintuan ng kalayaan
Kapag malaya ang isipan
Hindi maaalipin ang bayan
Kaya’t itaas ang paninindigan
Ipaglaban ang karapatan
Sa puso ng responsableng pamamahayag
Buhay ang diwa ng tunay na kalayaan