sa tanang buhay ko yata,
palagi akong nasa kalsada,
kasama ang masa,
kabisado ang bawat sulok ng eskinita
kung hindi man naglalakad lakad,
ay pasahero ng nasa likod ng manibela
na dadaan muna ang kakarampot na kita sa krudo at grasa
bago malinis na mapadpad sa hapag ng pamilya
kasama rin ang mga naglalako ng kanilang paninda
mapa kakanin o merienda, at kahit pa malansang isda
na kahit pa pinagtitinginan at pinag-uusapan
ay walang sinasabi't tumutuloy parin,
maibenta lamang lahat para may pangkain din
o kaya naman kasabay ang karpentero
na kahit gaano pa kalayo ang proyekto
ay walang reklamong dadayo
minsan nga, yung naghahanap pa lamang ng trabaho
at sa pag-uwi, kasabay ang iba kong kapwa-estudyante
na magsisimula palang ang araw sa gabi
upang may pangtustos sa kanyang matrikula, baon, at pamasahe
anong oras man ang biyahe,
pare-pareho lang na nagtatiyaga,
umaasang ang araw ay hahaba,
o kaya maging mas mabuti at kampante
sa tuwing kasabay ko sila,
ang lagi kong hiling ay sana,
sa pagdating ng araw, mas lamang na ang ginhawa
kumpara sa lahat ng dugo, pawis, at luha
dahil sa tanang buhay ko yata,
hindi ko sila kailanman sinukuan,
dahil ang masa, ang bayan,
palagi namang lumalaban