Ang lipunan ay isang makina: Hindi ito gagalaw kapag wala ang isang piyesa
Feature

Ang lipunan ay isang makina: Hindi ito gagalaw kapag wala ang isang piyesa

ni ANGELEE KAYE ABELINDE, Staff Writer

layout | JUSTIN SALVATIERRA, Online Content Editor


Tila napurnadang kadena ng behikulo ang itsura ng hanay ng mga komyuter sa gilid ng kalsada ng Daraga, Albay habang nag-aabang ng pampasaherong dyip nitong Marso 19.

Isa sa kanila si Rica Galoso, 24 anyos na saleslady, na papuntang trabaho sa Legazpi City. Halos 15 minuto na siyang naghihintay, subalit ayon sa kaniya’y mailap noong mga oras na iyon ang pagdaan ng mga pampublikong sasakyan.

“Sobrang hirap kasi ngayon nga isang araw lang nagka-strike, nagtaas lang ng presyo ng gasolina, marami nang epekto,”
saad niya.  

Matapos ang ilang minuto pang paghihintay, nahanap na lamang ni Galoso ang kaniyang sarili sa loob ng traysikel, imbis na nakasakay sa nakasanayang pampasaherong dyip.

Danas ng masa ang mistulang pagpreno ng normal na takbo ng kanilang ordinaryong araw. Epekto ito ng pagkalas ng mga maliliit na piston ng makinarya ng pampublikong transportasyon.

Nagkasa ng dalawang araw na tigil-pasada ang Concerned Drivers and Operators-Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (CONDOR-PISTON), Tanggol Pasada Network, at Legazpi-Daraga Jeepney Operators and Drivers Association (LEGDAJODA) bilang protesta sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina dulot ng giyera sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

Panawagan ni Renato Piolino, isang drayber-opereytor at tagapagsalita ng Tanggol Pasada Network, kung hindi kaya ng gobyernong tuluyang tanggalin ang Oil Deregulation Law, excise tax at expanded value-added tax (E-VAT) sa petrolyo, kahit pansamantala man lang aniyang suspensyon kasabay ng hinaharap na krisis sa gasolina.

“Malaki po ang mawawala sa aming kita. Napakalaki. Dati po kung nagdi-diesel kami ng P1,000. Ngayon po, dos mil dos (P2,200) ang kinukrudo namin. So, malaki po ang nawawala sa amin,”
saad ni Piolino.


Kontaminasyon sa makina

Ayon sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS), ang value-added tax (VAT) ay ang ipinapataw na buwis sa pagkonsumo at pagbebenta ng mga kalakal at serbisyo sa bawat yugto ng produksyon at proseso ng pamamahagi. Binibitbit ng mga panghuling mamimili ang pasanin ng naturang buwis.

Pinalawig ito ng Republic Act No. 9337 o Expanded-VAT law noong Mayo 2005, kung saan mas pinalawak ang sakop ng mga produktong papatawan ng VAT kabilang ang pagbebenta at importasyon ng karbon at produktong petrolyo.

Sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law na isinabatas noong 2018, pumapalo sa P10 kada litro ang buwis na ipinapataw sa gasolina habang P6 naman sa kada litro ng diesel.

Nagpapabigat din sa pasanin ng mga komyuter at drayber ang Oil Industry Deregulation Law o Republic Act No. 8479 na nagbibigay-kalayaan sa mga kompanya ng langis na magdikta ng kanilang sariling presyo depende sa umuugong na salik pang-ekonomiya.

Panawagan ng mga progresibong grupo, i-rollback ang presyo ng imbak na langis patungong P55.00, tanggalin ang VAT at excise tax para bumaba ng P20.00 ang presyo ng krudo, P5.00 na taas-pamasahe para makabawi sa kita ang mga tsuper, ibasura ang Oil Deregulation Law at isabansa ang industriya ng langis na kasalukuyang hawak ng mga pribadong kompanya.


Dugtong-dugtong na epekto

Hindi lang sektor ng pampublikong transportasyon ang nakiisa sa protestang tigil-pasada. Naroon din ang Kilusang Magbubukid ng Bicol (KMB). Ayon kay Regina Barbacena, 50 anyos na tagapagsalita ng KMB, apektado rin ng pagtaas ng presyo ng gasolina ang mga magsasaka dahil ibinabyahe nila ang kanilang produkto mula sa kanayunan patungong kalunsuran.

“Ang panawagan ngayon ng mga magsasaka, alisin ang pagpapataas ng presyo ng gasolina kasi lahat yan magiging krisis kasi unang-una pag nagtaas ang presyo ng gasolina, yung bigas niyan magtataas at lahat ng mga bilihin ay tataas,” saad ni Barbacena.

Para kay Jimmelyn Martillana, isang 45 taong gulang at 12 taon nang nagtitinda ng mais sa Daraga, nagsimula nang magdagdag ng presyo ang inaangkat niyang paninda galing Quezon. Ang dating P1,100 lang kada sako, ngayon ay P2,700 na.

Ayon sa kaniya’y sa mga susunod na araw ay mapipilitan siyang magdagdag ng tatlong piso kada isang piraso ng mais. Magiging tatlong piraso na lang din ng mais ang tinda niya para sa P100, mas kaunti kaysa sa dating apat na piraso sa parehong halaga.

Malaki rin ang epekto ng taas-presyo ng krudo at gasolina sa mga delivery rider na tulad ni Zardex Nuel, 32 anyos. Ang badyet niyang P200 para sa gasolina sa isang araw ay umaabot na lamang ng kalahating araw. Kaya sa pagtaas ng presyo ng gasolina ngayon, halos nasa P400 na ang gastos niya sa isang maghapon.

“Eh ngunyan, maggagas kami nasa P200. Eh ang kita namon sa per day, P600. Kung maggagas kami na P400, may kita na lang kaming P200, instead dati na P400,” saad ni Nuel.


Busina ng panawagan

Pare-pareho ang panawagan ng ordinaryong mamamayan sa Daraga, Albay: ibaba ang presyo ng gasolina. Naiintindihan ni Martillana ang sitwasyon ng mga tsuper at kung bakit nagkasa sila ng tigil-pasada.

“Siyempre pati yung mga drayber nahihirapan din sila kasi yung kinikita nila napupunta lang sa krudo. Sana babaan nila [gobyerno] ang gasolina para di naman mahirapan ang taumbayan at mga drayber tulad sa amin na naghahanap-buhay na mga mahihirap lang,” saad ni Martillana.

Sa ikinasang tigil-pasada, nais ipahiwatig ng mga tsuper na isa silang mahalagang piyesa sa makina ng lipunan. Importante aniyang gawing prayoridad ng gobyerno ang mga batas at programang inuuna ang kanilang kapakanan.

“Humihingi po kami ng dispensa sa abala pero po ang sinasabi namin sa inyo, ang laban po namin sana maintindihan ninyo. Dahil kapag ito’y napagtagumpayan namin, kasama po kayo sa mabebenepisyuhan,”
dagdag pa ni Piolino.